“Mayor Joni Villanueva Bridge” pinasinayaan sa Bocaue

MAYOR JONI’S LEGACY– Pinangunahan ni Senator Joel Villanueva ang ceremonial drive-thru ng inagurasyon at pagpapasinaya ng Binang-Poblacion Bocaue Bridge kasama sina DE Henry Alcantara ng Bulacan First District Engineering Office, former mayor Jon-Jon Villanueva at former CIBAC Partylist Cong. Sherwin Tugna makaraang pormal na buksan publiko ang nasabing tulay at elevated Pagoda view deck nitong Disyembre 8, 2021 na pinondohan ng P78.4 milyon. Kuha ni ERICK SILVERIO

PORMAL nang binuksan sa publiko ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang katatapos lamang ng replacement project na Binang-Poblacion Bridge kung saan pinangunahan ni Senator Joel Villanueva ang isinagawang blessing-inauguration ng nasabing tulay nitong Miyerkules, Disyembre 8, 2021 sa Bocaue, Bulacan.


Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Senator Villanueva na para sa kaniya ang nasabing tulay ay gusto niya ipangalan sa kaniyang namayapang kapatid at tatawagin niyang “Mayor Joni Villanueva Bridge”.

Si Senator Joel Villanueva kasama ang buong Team Solid sa pangunguna ng nagbabalik na alkalde na si Mayor JonJon Villanueva at vice mayoralty candidate former Cong. Sherwin Tugna makaraang pasinayaan ang Pagoda view deck at Binang-Poblacion Bridge nitong Miyerkules sa Bocaue, Bulacan. Kuha ni ERICK SILVERIO

Ayon kay Bulacan First District Engineering Office district engineer Henry Alcanatara, umabot sa kabuuang P78.4 milyon ang ginugol na pondo sa naturang proyekto kasama ang Pagoda view deck na pinondohan ni Sen. Villanueva buhat sa Department of Budget and Management (DBM) under General Appropriation Act (GAA).


Nabatid na ang nasabing proyekto ay bahagi ng legasiya ni Mayor Joni at isa lamang sa mga magagandang programa at proyekto nito bago pumanaw sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic taong 2020.


Ayon sa senador, hindi maisasakatuparan ang pagpapagawa ng nabanggit na tulay kung hindi sa inisyatibo at pangungulit ni Mayor Joni noong siya ay nabubuhay pa at kasalukuyang alkalde ng bayan ng Bocaue..


“Ang proyektong ito ay isa lamang sa pangarap ni Mayor Joni para sa mga Bocaueno kaya naman iniaalay namin ang makasaysayang araw na ito para sa kaniya. Para sa akin, tatawagin ko itong “Mayor Joni Villanueva Bridge,” wika ng senador.


Kasama rin sa pagpapasinaya ng tulay ang asawa ni Mayor Joni na si former CIBAC Party List representative Congressman Sherwin Tugna na tatakbong vice-mayor sa Bocaue.


Naroon din ang nakatatandang kapatid ni Mayor Joni, ang nagbabalik bilang alkalde sa nasabing bayan na si Mayor Jon-Jon Villanueva kasama ang buong Bocaue Team Solid.


Ang Villanueva-Tugna tandem ang itinulak na kumandidato para sa 2022 elections ng mamamayan ng Bocaue upang maipag-patuloy ang naiwang mga programa ng namayapang si Mayor Joni para sa mga Bocaueno.


Kabilang sa proyekto ayon kay DE Alcantara ay ang replacement ng buong tulay na may halagang P68.8 milyon at karagdagang elevated Pagoda view deck na pinondohan naman ng P9.5 milyon.


Ang nasabing Pagoda view deck ang magsisilbing puwesto at tanglawan ng mga residente na nais makapanood at masilayan ang pagdaong ng Pagoda tuwing araw ng kapistahan ng Krus sa Wawa.