Naipagkaloob na ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) sa 45 na mga rice farmers cooperatives sa Bulacan, ang may 55 units ng iba’t ibang makinaryang pangsaka sa ginanap na farm machinery distribution sa Lungsod ng Malolos nitong Martes ng umaga, Oktubre 19.
Ayon kay Gloria SF. Carillo, provincial agriculturist, pakikinabangan ito ng nasa 1,800 na mga rice farmers sa Bulacan na kasapi ng nasabing mga kooperatiba.
Sila ay may mga sakahan sa mga bayan ng San Miguel, San Ildefonso, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Malolos, Bulakan, Pandi, Angat, Norzagaray, Santa Maria at San Jose Del Monte.
May halagang P71.4 milyon ang mga bagong makinarya na pinondohan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nanggaling sa koleksyong buwis sa ipinataw na taripa sa mga inaangkat na Bigas sa bisa ng Rice Tariffication Law o ang Republic Act 11203.
Kabilang dito ang 25 four-wheel tractors, 17 Rice combine harvester na kilala sa tawag na ‘Halimaw’, limang Hand Tractor, tatlong Riding-type transplanters, tig-dalawang Rice reapers at Rice threshers at isang Plow Harrow.
Ipinaliwanag ni Don Joliano, deputy director ng PHilMech, na bukod sa pagkakaloob ng mga makabagong makinarya sang-ayon sa itinatadhana ng Rice Tariffication Law, layunin din ng batas na ito na lalong mapalakas ang ani ng lokal na Palay at tunay na maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Ito na ang pangatlong delivery ng PHilMech sa Bulacan na pinondohan ng RCEF mula noong taong 2019 na bahagi ng P2 bilyong alokasyon na sinundan noong taong 2020 na nasa P202.7 milyon at P71.4 milyon ngayong 2021.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Gobernador Daniel Fernando na nananatiling prayoridad sa lalawigan ang pagtatanim ng palay sa kabila ng patuloy na industriyalisasyon kung saan base sa tala ng Provincial Agriculture Office (PAO), nasa 50 libong ektarya pa ang lupang sakahan sa Bulacan.
Isang repormang pang-ekonomiya at programa para sa seguridad sa pagkain ang Rice Tariffication Law.
May 50% ng RCEF ay inilalaan sa pagkakaloob ng mga makabagong makinarya, 30% nito ay para sa pamamahagi ng mga binhi sa pangangasiwa ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), 10% para sa mga pagsasanay na isinasagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) at 10% para sa Land Bank of the Philippines (LBP) bilang karagdagang pondo para sa pautang.