OPISYAL nang binuksan sa publiko ng Provincial Government of Bulacan (PGB) ang P59-million Outpatient Clinic of Pandi District Hospital para sa mga Pandieño na matatagpuan sa Barangay Bunsuran 1st, Pandi, Bulacan nitong Lunes, October 10, 2022.
Pinangunahan nina Bulacan Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro kasama si Pandi Mayor Enrico Roque at ang buong kasapi ng Sangguniang Bayan ang naturang opening ceremony ng 25-bed capacity outpatient clinic na inisyal at direktang magbibigay ng serbisyo sa mga outpatient.
Ayon kay Katrina Anne Balingit, hepe ng Provincial Public Affairs Office (PPAO), ito ay pangangasiwaan ng dalawang medical doctors na itatalaga pansamantala, dalawang nurse,isang attendant at apat na security guards.
Naroon din sina Congressman Ambrosio Cruz Jr. at mga Board Members na sina Bokal Ricky Roque and Teta Mendoza mula sa Fifth District ng Bulacan.
Ayon kay Balingit, ang ilang mga departamento ng nasabing pagamutan ay inaasahang magiging operational sa susunod na taon.
Pinasalamatan niFernando ang National Housing Authority (NHA) agayundin ang Municipal Government ng Pandi at si Cong. Cruz sa kanilang suporta upang maisakatuparan ang pagtatayo ng nasabing district hospital sa Pandi.
“Saludo tayo sa kanilang suporta. Maraming, maraming salamat po. Kailangan nating palakasin talaga ang health services at sa sama- samang pagtutulungan, ngayon po ay nakatindig na at makapagseserbisyo na ang outpatient clinic ng Pandi District Hospital,” wika ng gobernador.
Kinokonsidera na rin ni Fernando ang rehablilitasyon ng Calumpit District Hospital at paigtingin ang provinces’ campaign para makapag-generate ng dagdag na income para makamit ang universal health care para sa mga Bulakenyos.
Ayon naman kay Vice Gov. Castro, ang pagbubukas ng Pandi District Hospital ay pagpapakita ng masidhing paglilingkod ng provincial government sa pamumuno ni Fernando upang ang pinapangarap na proyekto ay maisakatuparan hindi lamang para sa mga Pandieños kundi para rin sa mga kalapit nitong bayan.
Sinabi ni Provincial Engineer Glenn Reyes, ang kapitolyo ay naglaan dito ng P40,047,600 pondo dagdag pa rito ang pondong P19,180,064 mula sa NHA na may kabuuang pondo na P59,227,665 upang maitayo ang nasabing pagamutan.
Dagdag pa ni Engr. Reyes na ito ay itinayo sa 8,000 square meters -lot area na ang floor area ay 1,824.55 square meters na mayroong second floor at isa pang gusali katabi nito.
Ayon naman kay Dr. Protacio Bajao ng Bulacan Medical Center, ito ay bukas mula alas-8:00 am hanggang alas-5:00pm mula Lunes hanggang Biyernes.