LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Karagdagang P2-milyon ang ilalaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa pondong handang ipautang sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bulacan para sa susunod na taong 2023.
Ayon kay Atty. Jayric Amil, head ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO), mula sa kasalukuyang P3.5 milyon ay Nasa P5 milyon na ang ilalaan sa Bayanihan Bulakenyo Financing Program.
Layunin nito na lalong masuportahan ang mga MSMEs ngayong nasa kasagsagan na ng pagbangon ang mga ito mula nang tumama ang pandemya.
Binuo ang Bayanihan Bulakenyo Financing Program sa direktiba ni Gobernador Daniel R. Fernando upang makapagpahiram ng mga puhunan sa mga indibidwal na mga MSMEs at maging sa mga kooperatiba.
Sa ilalim ng programang ito, uubrang makahiram hanggang P150 libo ang bawat isang MSMEs at hanggang P300 libo sa mga kooperatiba. Mababayaran sa loob ng isang taon na may anim na buwang palugit at walang interes.
Ayon kay Vice Governor Alex Castro, ang provincial government sa pamumuno ni Gob. Fernando at Sangguniang Panlalawigan ay palaging nakahandang umagapay sa mga Bulakenyong nagsisimula sa pagnenegosyo.
Ngayong 2022, nasa P1.8 milyon na ang napapahiram sa 12 mga MSMEs at apat na mga kooperatiba. Habang ang natitirang P1.7 milyon ay iprinoproseso na at target maipalabas sa iba pang MSMEs na may pending loan applications.
Bilang patunay na matagumpay ang programang ito, itinampok sa idinaos na Tatak Bulakenyo Trade Fair sa Robinson’s Place Malolos ang may 40 MSMEs na napautang ng PCEDO sa nakalipas na mga taon.
Kabilang dito si Maridel Carangan, proprietor ng God’s Provision Pastry Shop na nakabase sa Guiguinto. Pinahiram siya ng PCEDO ng halagang P50 libo na nakatulong sa inobasyon ng packaging ng mga produktong Pastillas Classic na original flavor, Ube at Malunggay.
Ang mga produktong Pastillas na dating nakabalot lamang sa pangkaraniwang plastik, ay nakalagay na sa silyadong karton na naaprubahan at nabigyan ng sertipikasyon ng Food and Drug Administration (FDA).
Kaugnay nito, sinabi naman ni Department of Trade and Industry (DTI)- Bulacan Provincial Director Edna Dizon, isa si Carangan sa mga unang batch ng Kapatid Mentor Me Program ng ahensiya. Kaya’t napatakbo nang maayos ang negosyo at nagamit nang tama ang ipinautang na puhunan ng PCEDO.
Dahil sa matagumpay na inobasyon sa packaging at pagkakapasa sa pamantayan ng FDA, binigyan ng DTI ang God’s Provision Pastry Shop ng status na mapapailalim sa One Town, One Product (OTOP) Next Generation Program.
Umaabot na sa mga bansang Canada, United Arab Emirates, United States at mga bansa sa timog-silangang Asya ang merkado nitong high-end pastillas na gawa sa Guiguinto.
SOURCE: SHANE VELASCO (PIA3-Bulacan)