Nakapagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P30.1 bilyong pondo para mabayaran ang health emergency allowance (HEA) claims ng mga healthcare at non-healthcare workers sa bansa para sa taong 2023.
Ito ay bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpatuloy ang pagbibigay ng nararapat na suporta para sa ating mga tinaguriang makabagong bayani, lalo na ang mga nasa health and medical field.
“Upang masuklian naman natin ang naging sakripisyo ng ating mga health workers sa pribado at pampubliko na mga ospital noong nakaraang pandemya, ipapamahagi na sa kanila ang kanilang COVID health emergency allowance at iba pang mga nabinbing benepisyo,” saad ng Pangulo sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address noong Hulyo 2023.
Binigyang-diin ni Budget Secretary Mina Pangandaman na magpapatuloy ang PBBM administration, sa pamamagitan ng DBM, sa pagsigurong maibibigay sa mga healthcare at non-healthcare workers ang mga benepisyo at allowance na nakalaan para sa kanila.
“Parte po ng commitment ni Pangulong Bongbong Marcos ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng financial support sa ating mga healthcare at non-healthcare workers. They deserve all our care and support dahil noong oras na tayo ang nangangailangan sa kanila, they risked their lives and safety just to save and care for us,” ayon kay Sec. Mina.
Ang ipinalabas na P30.11 bilyong pondo noong nakaraang taon ay liban pa sa P24.19 bilyong pondo na inilagak sa Department of Health para sa parehong layunin noong 2022.
Para sa 2024 naman, nasa kabuuang P18.96 bilyon ang nakalaan sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act para mabayaran ang HEA claims ng mga karapat-dapat na papmpubliko at pribadong healthcare and non-healthcare workers. Ang nasabing pondo ay maari nang magamit epektibo noong ika-01 ng Enero 2024.
Sa makatuwid, P14.88 bilyon na lamang ang natitirang balanse mula sa kabuuang P88.14 bilyon na kinakailangang halaga para sa implementasyon ng programa.
“We will endeavor to release the balance, as well as the unfunded HEA claims of roughly P14 billion to fulfill the commitment of President Bongbong Marcos in his SONA,” ayon pa kay Secretary Pangandaman.
Featured Photo: PIA