P3.4M shabu kumpiskado sa 3 tulak sa Bulacan

CAMP GEN ALEJO S SANTOS, CITY OF MALOLOS, BULACAN— Tinatayang nasa P3,4-milyon halaga ng hinihinalang shabu ang narekober ng kapulisan mula sa tatlong naarestong mga hinihinalang drug pushers sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Bocaue kamakalawa, Miyerkules.
 
Sa report na tinanggap ni PCol Charlie Cabradilla, acting director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), kinilala ang mga inarestong suspek na sina Jayson Falcon ng San Antonio, Quezon City; Edwardo Elgarlino at Sarah Biscante kapwa ng Balintawak, Quezon City.
 
Sa inisyal na report, ang mga suspek ay nadakip sa ikinasang buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng PNP-DEG SOU3, PNP-DEG SOU, IFLD PDEA RO3 at Bocaue Police at Bulacan PPO.
 
Nakumpiska sa pag-iingat ng mga ito ang nasa 500 grams ng shabu na nagkakahalaga ng halos nasa P3.4 milyon.
 
Ayon kay Cabradilla, inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga nasabing suspek na kasalukuyan nakapiit sa Bocaue Police.