P2P Shuttle Buses at Total Truck Ban sa Bocaue, maayos na naipatupad sa pagbubukas ng FIBA Basketball World Cup

BOCAUE, Bulacan- Naging sistematiko ang Libreng Sakay na inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTRFRB sa may 53 na mga Premium Point-to-Point o P2P Shuttle Buses, na bumiyahe papunta at mula sa Bocaue, Bulacan kaugnay ng pagbubukas at unang laro ng 2023 FIBA Basketball World Cup.
 
Ginamit dito ang mga bus units ng Victory Liner Inc. at Genesis Bus Transport Service Inc. bilang mga P2P Shuttle Buses, na nagsakay ng mga nagsipanood na may tiket sa nasabing international sports event ayon kay Malou Tolentino, administrative officer ng  o LTFRB-Region III. 

 

Nagsilbing pick-up points ang 12 itinalagang P2P Terminals sa SM City Baliwag sa lungsod ng Baliwag, Cloverleaf Ayala Mall sa Balintawak, Triangle North of Manila o Trinoma at SM North EDSA na nasa North Avenue, Araneta City sa Cubao na pawang nasa lungsod Quezon.

 

Mayroon din sa SM Megamall sa lungsod ng Mandaluyong, Market-Market sa Bonifacio Global City sa lungsod ng Taguig, One Ayala sa EDSA-Ayala station ng Metro Rail Transit o MRT 3 sa lungsod ng Makati, SM Mall of Asia sa Pasay at sa Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX.

 

Iba pa rito ng mga P2P na magmumula sa SM City Pampanga sa Mexico at SM City Clark sa Angeles City na pawang nasa Pampanga.

 

Nagkaroon ito ng tig-30 na intervals kung saan ibinaba at isinakay ang mga nagsipanood sa North Luzon Express Terminal o NLET na nasa likod ng Philippine Arena sa loob ng Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone sa Bocaue, Bulacan.
 
Naipatupad din nang maayos ang Total Truck Ban ng Pamahalaang Bayan ng Bocaue sa lahat ng national at provincial roads na sakop ng bayang ito.

 

Malaking kabawasan ito sa inasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa ginanap na opening ceremony at unang laro ng 2023 FIBA Basketball World Cup sa Philippine Arena sa Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone, Bocaue, Bulacan.

 

Ayon kay Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, ipinatupad ito sa bahagi ng Manila North Road o Mac Arthur Highway sa Binang 1st, Bocaue-Santa Maria Bypass Road, Ciudad de Victoria Interchange ng North Luzon Expressway o NLEX, Governor Fortunato Halili Avenue, mga kalsada sa loob ng mga barangay ng Bunducan, Duhat, Caingin, Taal at Tambubong.

 

Bilang pagtugon dito, naging maayos din sa pangkalahatan ang paggamit sa mga entries at exits sa Marilao at Tambubong bilang alternatibong ruta. Ayon kay Robin Ignacio, head ng Traffic Operations Department ng NLEX Corporation, ipinatupad din ang 100% Radio Frequency Identification o RFID sa mga toll plazas ng Ciudad de Victoria Interchange. Gayundin ang pagiging libre ang toll fee sa northbound entry ng nasabing interchange.