P2.1M shabu kumpiskado sa 3 suspek sa Bataan

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Patuloy ang agresibong kampanya laban sa ilegal na droga ng Police Regional Office 3 (PRO3) matapos makumpiska ang tinatayang P2,152,200.00 halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Abucay at Balanga City, Bataan nitong Abril 26 at 27, 2025.
Sa unang operasyon noong Abril 26, 2025, bandang 11:45 ng umaga, isinagawa ng SDEU operatives ng Abucay MPS sa Brgy. Capitangan, Abucay, Bataan ang pagkakaaresto sa mga suspek na sina alyas “Alvin” at alyas “Izon,” parehong high-value individuals (HVI) at residente ng Brgy. Mabatang, Abucay, Bataan. Nakumpiska mula sa kanila ang tinatayang 66.5 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng Php 452,200.00.
Samantala, sa sumunod na operasyon noong Abril 27, 2025, bandang 11:20 ng gabi, nahuli ng mga operatiba ng Balanga City Police Station ang isa pang high-value individual na si “Aldrin,” 28 anyos, sa Brgy. Bagong Silang, Balanga City, Bataan. Nakuha mula sa suspek ang walong (8) malaking sachets ng hinihinalang shabu, na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 250 gramo at tinatayang halaga ng Php 1,700,000.00.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang mga police stations habang inihahanda ang kaukulang mga kaso laban sa kanila.
Ayon kay PBGEN Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3:”Hindi natutulog ang ating kampanya laban sa iligal na droga. Sa bawat araw—maging Sabado o Linggo—ang inyong kapulisan sa Gitnang Luzon ay buong tapang na isinasagawa ang mga operasyon upang iligtas ang ating mga komunidad mula sa banta ng iligal na droga. Alinsunod sa direktiba ng ating Chief PNP, PGEN Rommel Francisco D. Marbil, patuloy nating pinatutunayan na ang serbisyo ng pulisya ay walang pinipiling oras, araw, o pagkakataon. Walang lugar ang droga sa ating rehiyon. Sama-sama nating itinataguyod ang isang ligtas, payapa, at maayos na pamayanan,” pahayag ni PBGEN Fajardo.