LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Palalatagan ng mga Solar Panels ang ibabaw ng Kapitolyo ng Bulacan at iba pang gusali na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan na nakatayo sa loob ng Antonio Bautista Capitol Compound sa lungsod ng Malolos, Bulacan.
Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, prayoridad ngayong 2023 na masimulan ang kumbersiyon ng Kapitolyo sa Solar Energy mula sa labis na pandebende sa iisang power distribution utility.
Kaya’t iniaalok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga kwalipikadong pribadong sektor na mamuhunan sa proyektong ito na aabot sa inisyal na halagang P100 milyon.
Ipinaliwanag ng gobernador na tatlong pangunahing benepisyo ang matatamo ng mga Bulakenyo kapag naisakatuparan ang malawakang paglalatag ng mga Solar panels sa mga pasilidad ng Kapitolyo.
Una rito ay makakatipid ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa gastusin sa kuryente na umaabot sa P44 milyon kada buwan. Kung makakasama ang Solar Energy sa pagkukuhanan ng kuryente, tinatayang nasa 60% ang matitipid sa ibinabayad sa power distribution utility.
Pangalawa, ayon naman kay Engr. Randy Po, division head ng Provincial Planning and Development Office o PPDO, na bukod sa maisusuplay na murang halaga ng kuryente, makakaipon pa ng sobrang suplay ang Kapitolyo na pwede rin nitong maibenta sa electric power industry.
Base sa kasalukuyang sistema ng pagsusuplay ng kuryente sa bansa sang-ayon sa Republic Act 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA, ang mga power generators ay uubrang magbenta ng suplay sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.
Dito naman bibilin ng mga power transmission at distribution utilities upang makarating sa pangangailangan ng mga industriya at mga tahanan.
Pangatlo ay makakadagdag ang pagbebenta ng magiging sobrang suplay ng kuryente mula sa Solar Energy, upang maidagdag sa taunang provincial budget ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Hinalimbawa ni Gobernador Fernando ang P6.8 bilyon na 2023 Provincial Budget ng Bulacan na bumaba mula sa P7.3 bilyon na 2022 Provincial Budget, dahil nabawasan ng nasa P1 bilyon ang National Tax Allocation o NTA mula sa pamahalaang nasyonal. Bunsod ito ng ipinaiiral na fiscal consolidation na epekto ng pagtama ng pandemya sa nakalipas na dalawang taon.
Kaugnay nito, ipapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang proyektong paglalatag ng nasa mahigit sa tatlong libong Solar Panels sa pamamagitan ng Public-Private Partnership o PPP.
Ang magiging sistema, ang mapipili na kwalipikadong pribadong sektor ay pagkakalooban ng konsesyon upang mamuhunan, magsagawa at magpatakbo ng mga Solar Panels at iba pang kaugnay na pasilidad nito sa loob ng hanggang 15 taon.
Kapag natapos ang panahon ng konsesyon, ibibigay na ng pribadong konsesyonaryo sa pamahalaang panlalawigan ang karapatan sa pagmamay-ari at pangangasiwa sa buong sistema ng Solar Energy. Target maging operational ang proyektong ito sa taong 2024.