Mahigit P1.3-billion ang hahabulin ng Social Security System (SSS) Luzon Central 2 Division mula sa mga delinquent employer sa mga lugar ng Bulacan, Pampanga, at Olongapo City na benepisyong nararapat para sa 156,750 empleyado.
Kaugnay ito ng pinaigting na Run After Contribution Evaders (RACE) campaign ng ahensiya ngayong taon na kamakailan lamang ay nagsagawa ng simultaneous operation kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.
Sinabi ni SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada na ang pinaigting na operasyon ng RACE ngayong taon ay isasagawa isang beses sa isang buwan upang matiyak na natutugunan ng mga employer ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.
Bibigyan din ng programa ang mga delingkwenteng employer na hindi nagre-remit ng kanilang mga kontribusyon para sa kanilang mga empleyado ng pagkakataon na ituloy ang kanilang mga hindi nabayarang obligasyon sa mas madaling paraan.
“We are serious to run after to these delinquent employers na hindi nagreremit ng contributions nila para sa kanilang mga empleyado,” she said.
Noong nakaraang Abril 30, isang simultaneous RACE operation ang isinagawa sa pangunguna ni Andrada kasama ang team ng SSS Baliwag Branch sa pamumuno ni Chelin Lea Nabong, Acting Branch Head I sa Barangay Sabang, Baliwag City kung saan walong delingkuwenteng employer ang binisita at naabisuhan tungkol sa kampanya.
Sinabi ni Andrada, sakop ng Luzon Central 2 Division ang mga lugar ng Bulacan, Pampanga, Zambales kung saan mayroon itong kabuuang 25,625 na mga delingkwenteng employer na bibigyan ng 15-araw na palugit para mabayaran ang kanilang obligasyon sa nasabing ahensya para makinabang ang 156,750 empleyado nito.
Aniya, ang RACE campaign ng SSS ay para din sa mga delinquent employer na maka-avail ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDe MRP) kung saan ang principal obligation lang ang babayaran at wala nang interes o penalty.
Nabatid na noong 2023, nakakolekta ang SSS ng P296.19-million sa buong bansa mula sa 2,652 delinquent employers kung saan bahagi nito ay P111.34-million para sa Luzon collection kasama ang P67.7-million mula sa mga delinquent employer sa Luzon Central 2 Division.
Sa buong bansa, ang SSS ay nagsagawa ng 587 RACE operations at hindi bababa sa 4,923 delinquent employers ang nakatanggap ng written order para sa Paglabag sa SSS Law.
Idinagdag ni Andrada na para sa taong ito ay magkakaroon ng 120 RACE operations na isasagawa ng nabanggit na ahensiya isang beees kada buwan.