North Luzon East Expressway Phase 2 project, ipapasubasta na ng DPWH

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan – Nagtatawag na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga interesado at kwalipakadong pribadong kompanya, upang maging konsesyonaryo sa pamumuhunan ng pagtatayo at operasyon ng Phase 2 ng proyektong North Luzon East Expressway (NLEEX).

 

Sa ginanap na Duterte Legacy Summit, sinabi ni DPWH Undersecretary for Unified Project Management Office ng DPWH at siya ring chief implementer ng Build-Build-Build Program, ang mapipiling konsesyonaryo ay bibigyan ng konsesyon upang isakatuparan ang proyekto sa susunod na limang taon sa pamamagitan ng Built-Operate-Transfer (BOT).

 

Ang B.O.T. ay isang mekanismo sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) kung saan binibigyan ng pamahalaan ang isang pribadong kompanya ng konsesyon, upang mamuhunan sa pagtatayo at operasyon ng isang partikular na imprastraktura sa loob ng 20 hanggang 30 taon.

 

Kapag natapos ang panahon ng konsesyon, ibabalik na ng pribadong kompanya ang imprastraktura sa pag-aari at pangangasiwa ng pamahalaan.

 

Nagkakahalaga ang proyektong NLEEX Phase 2 ng P44 bilyon. Mayroon itong apat na segments na lalatagan ng kalsadang may tig-dalawang linya ang magkabilang direksiyon.

 

Kinabibilangan ito ng Segment 1 na mula sa Bigte sa Norzagaray hanggang sa Biak-na-Bato Road sa San Miguel na may habang 30.91 kilometro. Tatahak ito sa mga bayan ng Angat, San Rafael at San Ildefonso kung saan magkakaroon ng mga entry at exit interchanges.

 

Ang Segment 2 ay mula sa Biak-na-Bato Road sa San Miguel, Bulacan hanggang sa Fort Magsaysay Road sa Nueva Ecija na may habang 30.56 kilometro. Habang ang mga segments 3 at 4 ay tatahak sa mga lungsod ng Cabanatuan at Palayan kung saan ikakabit sa Central Luzon Expressway (CLEX).

 

Kaugnay nito, ang Phase 1 ng NLEEX ay gagawin ng konsesyonaryong Ausphil Tollways Corporation na pinagkalooban ng konsesyon ng pamahalaan noon pang 2007.

 

Ito’y upang ilatag ang NLEEX mula sa Commonwealth Avenue, tatahak sa gilid ng La Mesa Parkway sa Lungsod Quezon hanggang paabutin sa Bigte, Norzagaray. Kasama rito ang pagtatayo ng Tungkong Mangga interchange sa lungsod ng San Jose Del Monte. Nagkakahalaga ang 19 kilometrong NLEEX Phase 1 ng P7.8 bilyon.

 

Samantala, kapag natapos ang kabuuan ng proyekto sa susunod na limang taon, ang dating mahigit dalawang oras na biyahe mula sa silangang bahagi ng Bulacan patungo sa Lungsod Quezon ay magiging 30 minuto na lamang.