MATAPOS ang dalawang taong pagkaantala dahil sa pandemya, muling binubuksan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Daniel R. Fernando at sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office (PYSPESO) ang nominasyon para sa Gintong Kabataan Awards 2022.
Inaanyayahan ni Fernando ang mga Bulakenyong kabataang may edad 15 hanggang 30; tubong Bulacan o naninirahan sa Bulacan sa nakalipas na tatlong taon; lalaki o babae; at may asawa o wala na magsumite ng aplikasyon bago o sa Agosto 12, 2022.
“Saan man makarating, saan mang dako ng mundo, angat ang galing at husay ng mga Bulakenyo. Sa taong ito, muli nating pararangalan ang mga kabataang matagumpay na nag-akay sa Lalawigan ng Bulacan sa rurok ng tagumpay,” ani Fernando.
Ilan sa mga kategoryang maaaring salihan ang Gintong Kabataan sa Kagalingang Pang-akademya at Agham (High School level o College level), Gintong Kabataan sa Larangan ng Sining at Kultura (Indibidwal o Grupo), Gintong Kabataang Entreprenyur, Natatanging Sangguniang Kabataang Barangay Council, Natatanging Sangguniang Kabataan Federation President, Gintong Kabataan sa Larangan ng Paglilingkod sa Pamayanan (Indibidwal o Grupo), Gintong Kabataang Manggagawa (Professional Worker, Skilled Worker, o Government Employee), Gintong Kabataan sa Larangan ng Isports (Indibidwal o Grupo), at Gintong Kabataang Bayani.
Para sa karagdagang detalye, maaaring magsadya sa tanggapan ng PYSPESO, Gusaling Gat Blas F. Ople Sentro ng Kabataan, Kaalaman, at Hanapbuhay sa bakuran ng Kapitolyo, o tumawag sa telepono bilang (044) 764-1268.
Ang GKA ang pinakamataas na parangal para sa mga kabataang Bulakenyo na nagtataglay ng angking “K” – Kahusayan at Kakayahan. Ilan sa mga nauna nang pinarangalan ng GKA sa mga nakalipas na taon sina Maine Mendoza, Angelica “Angel Locsin” Colmenares, Paolo “Kimpoy” Feliciano, Katrina “Hopia” Legaspi, Ross Ethan “Seth” dela Cruz, Yuka Saso at ang The Robotics Team of Dr. Yanga’s Colleges, Inc.