Sa panayam ng mga kasapi ng media kay Kit Ventura, vice president for corporate communications ng NLEX Corporation, sinabi nito na magiging derecho na at mas magaan ang magiging biyahe ng mga kalakal na iniluluwas sa mga pamilihan sa Metro Manila at maging ng mga manggagawang araw-araw na namamasukan.
Kapag nagsimula na ang operasyon nito, ang mga sasakyan papuntang kanlurang bahagi ng Metro Manila ay papasok sa west ramp ng Mindanao Avenue interchange upang marating ang NLEX Harbor Link.
Karugtong nito ang NLEX-SLEX Connector Road Project na may habang walong kilometro. Isa itong elevated expressway o flyover na may apat na linya o tig-dalawang linya sa magkabilang panig.
Bumabaybay ito sa ibabaw ng riles ng Philippine National Railways (PNR) at magiging katabi ng ginagawang North-South Commuter Railway (NSCR) Phase 1 at South Line.
Ito ay mula sa bahagi ng NLEX-North Harbor Link sa C-3 Road sa Caloocan hanggang sa Sta. Mesa kung saan ikakabit sa istraktura ng Skyway Stage 3.
Magsisilbi itong pangatlong alternatibong ruta upang makatawid mula sa NLEX patungo sa South Luzon Expressway (SLEX) o pabalik bukod sa Skyway Stage 3 at sa NLEX-C5 link.
Itinayo ang proyektong NLEX-SLEX Connector Road Project sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer o BOT na isang mekanismo ng Public-Private Partnership o PPP kung saan ang NLEX Corporation ang napiling konsesyonaryo ng proyekto sa loob ng 37 taon.
Sa sistemang ito, ipinagkakaloob ng pamahalaan ang konsesyonaryo sa isang kwalipikadong pribadong kompanya upang mamuhunan para sa pagtatayo at pangangasiwa ng isang partikular na imprastraktura.
Pagkatapos ng napagkasunduan na panahon ng konsesyon, ibabalik na sa pamahalaan ang karapatan sa pangangasiwa ng itinayong imprastraktura.
Sa ngayon, naitawid na ang viaduct ng NLEX-SLEX Connector Road sa ibabaw ng Blumentritt Station ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 at sa ibabaw ng tulay ng Dimasalang.
Taong 2008 nang unang kinonsepto ang proyekto at pormal na pinasimulan noong 2019 na pinondohan ng konsesyonaryo sa halagang P23 bilyon kung saan 93% na ang natatapos sa unang bahagi ng proyekto.
Samantala, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Emil Sadain na isa ito sa mga halimbawa ng matatagumpay na proyekto na naisakatuparan sa pamamagitan ng PPP. Kaya’t mas mapapalawak at mapapaigting pa ito ng mga karagdagang imprastraktura na gagawin sa ilalim ng Build-Better-More Infrastructure Program ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.
SOURCE: PIA-Bulacan