National Employment Strategy at “End of Endo”, Priority Bills ni Villanueva

NAGHAIN na si Sen. Joel Villanueva ng 20 na panukalang batas para sa ika-19 na Kongreso ngayong araw (Hulyo 4) bilang pagpapatuloy ng kanyang adbokasiya at pangako noong kampanya para sa paglikha at seguridad sa trabaho.

Senator Joel “TESDAMAN” Villanueva

“Trabaho pa rin po ang trabaho natin sa Senado sa ating pangalawang termino. Oportunidad at kasiguruhan sa trabaho po ang ating isinusulong sa mga panukalang ito para sa katatagan ng bayan laban sa kahirapan at anumang krisis,” sabi ni Villanueva. 

 

Nangunguna sa listahan ng senador ang “Trabaho Para Sa Lahat ng Pilipino Act” kung saan bubuuin ang isang National Employment Action Plan na magsisilbing direksyon ng gobyerno sa paglikha ng trabaho. Kasama sa National Employment Action Plan ang pagpapatuloy sa mga layunin ng National Employment Recovery Strategy (NERS) na ngayon ay pinapatupad ng NERS Task Force na pinamumunuan ng Department of Trade and Industry.

 

“Dahil hanggang ngayong taon lang po ang planong naitakda sa NERS, nais po nating palawigin ito at gawin itong National Employment Action Plan upang mahigitan pa ang target na paglikha ng 2 milyong trabaho sa mga susunod na taon. Dapat tuloy-tuloy lang po ang paglikha natin ng trabaho ayon sa umiiral na kalagayang socioeconomic habang humaharap sa anumang krisis,” sabi ni Villanueva.

 

Prayoridad din ni Villanueva ang “End of Endo” o Security of Tenure Act para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

 

“Noong 2016 pa po natin ipinaglaban na maging batas na ang Security of Tenure Act. Bagaman na-veto po ito, dumaan po ito sa mabusisi at komprehensibong konsultasyon sa lahat ng concerned sectors para patas ang batas para sa mga manggagawa at employer. Long overdue na po ito, kaya makikipagtulungan po tayo sa Department of Labor and Employment, National Economic and Development Authority, Department of Finance, mga grupo ng mga manggagawa, mga business associations, at iba pang mga sektor para maipasa na po ang End of Endo bill,” sabi ng senador.

 

Nag-file din si Villanueva ng kahalintulad na panukala para sa regularisasyon ng mga empleyadong “casual” o “contractual” na nagtatrabaho nang mahigit limang taon sa mga national government agencies, at sa mga nagtatrabaho ng mahigit anim na taon sa mga local government units.

 

Maliban sa National Employment Action Plan, kabilang sa mga bagong panukala ni Villanueva ang pag-amyenda sa CREATE Law para payagan ang work from home scheme sa mga negosyo sa loob ng mga special economic zone, Expanded Unemployment Insurance Act, at paglalaan ng Php100 billion stimulus fund at wage subsidy para sa maliliit na negosyo sa ilalim ng MSME Stimulus Act.

 

Isinusulong din ni Villanueva ang kapakanan ng mga manggagawa sa kanyang mga panukalang batas gaya ng pagtatalaga ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers Program (TUPAD), Freelance Workers Protection Act, Alternative Working Arrangements Act, at Magna Carta of Filipino Seafarers.