LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ni Gob. Daniel R. Fernando ang pagpaparangal sa mga Natatanging Community Vegetable Garden sa ilalim ng 3k: Kabataan, Kalikasan, at AgriKultura Project ng Provincial Agriculture Office (PAO) at Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) na ginanap sa Balagtas Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito noong Enero 24, 2022.
Layon ng napapanahong proyekto na hikayatin at mahimok ang mga kabataan sa pagpapaunlad ng agrikultura at pangangalaga ng kalikasan lalo na sa panahon ng pandemya.
Nahahati sa dalawang kategorya ang nasabing parangal, ang Plot/Field Gardening Category at Containerized Gardening Category.
“Congratulations sa lahat ng winners, pero sa totohanan, hindi ito ginawa para lang bigyan kayo ng premyo sa isang patimpalak, kundi para hikayatin kayo sa pagsasaka. Nawawalan na tayo ng kabataang nagmamana ng ating mga sakahan. Tinanong ko nga yung ilang magsasaka kung bakit sila nagbebenta ng lupa, ang sagot ‘kasi po ‘yung anak ko ayaw ng magsaka,” ani Fernando.
Nagwagi ang Samahan ng Makabagong Kabataang Progresibo (SAMAKAPO) Plaridel-Banga 2nd ng unang gantimpala sa kategoryang Plot/Field Gardening na sinundan ng Damayang Filipino Kabataan – Bocaue na nagwagi ng ikalawang gantimpala at SAMAKAPO-Malolos sa ikatlong pwesto. Tumanggap sila ng sertipiko ng pagkilala at P20,000, P15,000 at P10,000 ayon sa pagkakasunud-sunod.
Para naman sa kategoryang Containerized, nasungkit ng SAMAKAPO-Bulihan, Plaridel ang unang pwesto at nag-uwi ng P20,000 habang nakuha naman ng LYDO Bustos na binubuo ng Sci-LG Com Club at Barkada Kontra Droga ng Cambaog National High School ang ikalawang pwesto at nag-uwi ng P15,000.
Binigyang diin ni Fernando na bilang mga susunod na lider, kailangang maging maalam sila sa kung paano paunlarin ang agrikultura dahil isa ito sa mga pangunahing pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan.
“Nagbabago ang panahon, ‘di natin pwedeng i-apply ‘yung mga noon kaya kailangan pa rin ng tuluy-tuloy na learning, kailangan ng suporta ng mga natitira nating magsasaka. Dahil dito, itinayo ang Famers Training Center ng PGB na libreng ibinibigay sa inyo. Bukod dito kailangan natin ng actual, dun natin ilalagay ang agri tourism sa DRT na tatawaging Productivity Center,” ani Fernando.
Idinagdag pa ng gobernador na sa hinaharap, itatayo din sa tabi ng Productivity Center ang Multiplier and Breeding Center upang matugunan ang pangangailangan sa karne.
Samantala, bago ang parangal, binigyan din ang mga kabataan ng mga pagsasanay sa epektibong pagtatanim at namahagi ng mga binhi, organikong abono at gardening tools.
Sinuri ang mga lumahok ayon sa tamang paghahalaman; produksyon o ani; partisipasyon ng mga myembro; at pagpapatuloy ng proyekto.
Nilahukan ang nasabing proyekto ng 120 na mga kabataang Bulakenyo mula sa 52 mga organisasyon kabilang ang Sangguniang Kabataan, DF Kabataan at mga out of school youth.