MUNGKAHI SA KONGRESO NA MAGLAAN NG MALAKING BUDGET SA WPSBP

 

HABANG isinusulat natin ito ay ay nakatutok ang aking paningin at tenga sa ‘Social Media,’ sa  mga pahayag ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., hinggil sa Percy Lapid case.

 

Gayundin sa mga pahayag ng kapatid ni Percy, na nagsasabing siya at ang kanyang mga pamangkin na anak ng nasirang Komentarista sa radio, ay nakatatanggap ng banta ng kamatayan sa kani-kanilang buhay. Isama na dito ang naringgan natin sa ‘you tube’ na pahayag ng kapatid ng isang nasasangkot sa krimen.

  

Tsk! Tsk! Tsk! Bagamat walang makuhang plantsadong impormasyon, kung sino ang mastermind sa pagpatay kay Lapid. Ngayon ang mga taong malalapit sa bikitma at sa mga potensiyal na saksi o may posibleng alam sa mga pangyayari ay nanganganib din ang buhay.

 

Dahil sa panganib na iyan, kailangan bigyan ng ibayong proteksiyon at seguridad ng ating Pamahalaan, ang mga taong nabanggit. Ilang tao ba ang puwedeng sumailalim sa ‘Witness Protection, Security and Benefit Program (WPSBP) ng Department of Justice?’ Paano ba mapo-proteksiyunan ng Pamahalaan, ang buhay ng mga nakatatanggap ng ‘death threat’ sa kasong ito?

  

Ika nga ng isang Mambabatas na nagpadala ng ulat sa Katropa, kailangang magbigay ang Kongreso ng mas malaking budget sa WPSBP. Iyan ay upang makapagbigay ng lubos na tulong pinansyal, relokasyon, at pangkabuhayan sa mga nakaaalam, magbubunyag ng mga planong kriminal o saksi sa krimen.

  

Tama ang nasasaisip ng Mambabatas, sapagkat sa ganyang paraan ay maraming lalabas na tutulong na maresolba ang kaso ng agaran. Dahil protektado sila ng Pamahalaan, lalakas ang kanilang loob, at hindi matatakot sa kanilang gagawing paglalahad ng katotohanan. Dagdag pa dito ang paglaan ng mga ligtas na taguan, kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

  

***

Isang bagong kakilala ang nakipaghuntahan sa inyong lingkod, siya ay dating Kagawad ng isang Barangay sa Lungsod ng Meycauayan, Lalawigan ng Bulacan. Ayon sa kanya, kaya hindi mahintu-hinto ang kriminalidad ay dahil na rin sa kahirapan ng buhay. Sa ngayon tila mas madami ang naghihirap na Pilipino, kaya laganap ang krimen.

  

Tsk! Tsk! Tsk! Bilang isang Opisyal ng isang Baraangay ay hindi maiaalis na magsalita ng ganyan si Kagawad, dahil naranasan niyang maka-‘encounter’ ng ganyang mga problema. Kadalasan ayon sa kanya, dumarami ang mga manloloko at magnanakaw. Dahil sa walang makain o pambili ng makakain, ay sa gawaing pagnanakaw ng saglit o minsan ay ginagawa, makaalis lang ng gutom at sakit ng sikmurang nararamdaman.

  

Ang iba namang kriminal ay ‘bigtime’ ang pamamaraan at pinagkakakitaan ng pagnanakaw, iyan ay ang magnakaw ng buhay ng may buhay, kapalit ng malaking halagang kabayaran mula sa isang nagutos o ‘Mastermind.’ Hanggang sa muli.