DONYA REMEDIOS TRINIDAD, Bulacan — Magsisimula na ang operasyon ng muling itinayong Bulo Dam sa barangay Kalawakan sa Donya Remedios Trinidad sa Bulacan matapos ang pormal na pagpapasinaya.
Ayon kay National Irrigation Administration o NIA Administrator Ricardo Visaya, pangunahing mga benepisyo ng proyekto ang pagresolba sa malaking pagbabaha sa bayan ng San Miguel tuwing panahon ng tag-ulan at may malalakas na bagyo.
Titiyakin din nito ang ang suplay ng patubig para sa may 570 na ektaryang lupang sakahan ng palay ng nasa 314 na mga magsasaka sa barangay Malibay sa San Miguel at barangay Kalawakan sa Donya Remedios Trinidad.
Taong 2011 nang masira ang buong istraktura ng lumang dam sa kasagsagan ng bagyong Pedring.
Mula noon, taun-taon nang nakakaranas ng biglaan at malaking pagbaha ang kalapit na bayan ng San Miguel.
Ginawa ito sa loob ng apat na taon mula Marso 2018 hanggang nitong Marso 2022.
Nagkakahalaga ang proyekto ng halos isang bilyong piso na pinondohan ng NIA.
Kabilang sa ginastusan nito ang 30.70 metrong taas na earthfill o ang mga lupa na pinatigas ng mga malalaking bloke ng mga bato na humarang sa ilog ng Bulo.
Sa gawing dulo ng earthfill na may habang 140.38 metro, matatagpuan ang main canal na walang check gate.
Ipinaliwanag ni NIA Regional Director Josephine Salazar na ungated ang Bulo Dam upang hindi biglaan ang paglalabas ng tubig. Kaya nitong makapag-imbak ng nasa 2.60 million cubic meters ng tubig.
Ito ay nakakabit sa mga lateral canal at mga canal structures na patungo sa mismong mga sakahan.