Nais ni Malolos City Mayor Christian Natividad na tanggalin na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office (DEO) ang mga nabinbing proyekto sa tatlong barangay sa nasabing lungsod.
Sa panayam kay Natividad, sinabi nito na nakatakda silang magsampa ng Prelimenary Mandatory Injubction laban sa DPWH dahil sa mga nakabalagbag na proyekto ng ahensiya kung saan napag-alaman na nagdudulot ito ng pagsikip sa daloy ng tubig sa mga water tributaries sa kailugan.

Ilan dito ay ang mga flood control projects at pumping stations na matatagpuan sa Barangay Atlag, Calero at Bagna.
Sinabi ng alkalde na sa halip na makatulong ay nagdudulot pa umano ang mga sloap protection sa gitna ng ilog ng mabagal na daloy ng tubig na pinaniniwalaang magiging dahilan ng pagbaha sa mga nasabing lugar.
Samantala, nakipag-ugnayan naman si DPWH Undersecretary Charles T. Calima Jr. at OIC District Engineer Kenneth Edward Fernando ng First District Engineering Office nitong Abril 29 kay Mayor Natividad kung saan humingi ang ahensiya ng palugit para magawan ng aksyon ang derektiba ng alkalde.
Ayon DE Fernando nakipagpulong sila kay Natividad at humiling ng palugit upang maisaayos ang kanilang mga hindi pa natatapos at mga may problema na proyekto sa lungsod.
Ayon naman kay Mayor Natividad pinaprayoridad nya sa DPWH na agarang maisaayos at matapos ang mga flood gates at pump stations bilang paghahanda sa paparating na panahon ng tag-ulan mula buwan ng Hunyo ngayong taon na posibleng maranasan ang malawakang pagbaha sa lungsod.
Mag-iisang taon na mula nang ipatigil ang mga kontrobersiyal na pagawain ng DPWH sa nasabing distrito partikularna ang mga flood control projects kaya naman nagbigay na ng ultimatum si Mayor Natividad na magsasampa ng prelimenary mandatory injunction laban sa ahensiya sakaling mananatiling nakabinbin o walang agarang solusyon na gagawin ang DPWH sa mga nabinbing proyekto sa lungsod.
Nangako naman sina Usec. Calima at DE Fernando na sisimulan ng ahensiya ang pagtatanggal ng mga naiwang sloap protection gaya ng mga sheet piles sa gitna ng mga ilog sa mga susunod na araw.
Nabatid na may kabuuang 600 flood control projects mayroon ang First District Engineering Office mula nang madiskubre ang kontrobersiya sa mga maanomalyang proyekto sa ilalim ng pamamahala ng DPWH.
Giit ni DE Fernando, patuloy na ang kanilangpakikipag-ugnayan sa mga local government unit nang sa gayon ay magkatulungan ang dalawang panig sa mga naiwang problema sa mga flood control projects ng DPWH.
Matatandaang nag-ugat ang kontrobersya ng flood control issue sa mismong tanggapan ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office na sinasabing pinagmulan ng bilyong pisong korapsyon.





