DOÑA REMEDIOS TRINIDAD, Bulacan — MAYROONG mga tama ng bala sa katawan at ang ilan ay ginilitan pa sa leeg nang matagpuan ang wala nang buhay ng limang kalalakihan na minasaker sa bulubundukin bahagi ng Resigurado St., Brgy, Camachile, Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan nitong Lunes ng umaga.
Sa report na tinanggap ni Bulacan PNP acting director Col Charlie Cabradilla mula kay DRT Police chief Capt. Eugenio De Ramos, nakilala ang mga pinatay na biktima na sina Pampilo Bonaga, 55, farmer; Carlito Servano, 48; Pola Servano; Antonio Servano, 45; at Angelo Del Castillo, 33, farmer, pawang mga residente ng Sitio Armstrong Brgy Camachile DRT Bulacan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas11:15 ng umaga nang makatanggap sila ng report hinggil sa limang bangkay na natagpuan sa bulubundukin sa bahagi ng nasabing lugar kung saan ang mga biktima ay pinagbabaril at nilaslas ang leeg ng di pa nakikilalang mga salarin.
Ayon sa nakadiskubre sa mga katawan ng biktima na si Halbert Prencillo, maghahatid umano ito ng pagkain sa mga biktima bandang alas-10:30 ng umaga nang magulat siya na pawang mga wala nang buhay ang lima at naliligo sa dugo sanhi ng tinamong tama ng mga bala sa buong katawan at ang ilan ay nilaslas pa ang leeg.
Nabatid na kaya naroon ang mga biktima ay upang magtabas ng mga ligaw na halaman at damo na utos ng may-ari ng lote na di pa pinapangalanan ng kapulisan.
Base sa salaysay ng mga residente roon, bandang alas-10 pasado nang makarinig sila ng sunod-sunod na putok mula sa di pa matiyak na uri ng ginamit na baril.
Ayon sa teyorya ng pulis, away umano sa lupa ang posibleng motibo ng krimen subalit yon kay Col Cabradilla patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan sa mga suspek.