Marilao municipal administrator inambus, di tinablan ng bala

HIMALANG nakaligtas sa kamatayan ang isang 54 -anyos na lalaki matapos itong tambangan at pagbabarilin subalit wala ni isang sugat o tama man lang ng bala sa katawan ang biktima sa naganap na pamamaril  sa Tibagan, Barangay Sta Rosa 2, Marilao, Bulacan kahapon ng umaga, Marso 2, 2022.
 
Kinilala ng pulisya ang nakaligtas na biktima na si Wilfredo Diaz, municipal administrator ng lokal na pamahalaan ng Marilao, residente ng #78 Barangay Loma De Gato ng nasabing bayan.
 
Base sa panimulang imbestigasyon, naganap ang pananambang bandang alas-7:45 ng umaga habang ang biktima ay sakay ng kaniyang Mitsubishi Montero na mayroon conduction sticker number B4E851 papasok sa nasabing munisipyo.
 
Nabatid na habang binabagtas ni Diaz ang kahabaan ng Tibagan, Barangay Sta Rosa 2 ay biglang sumulpot sa kaniyang harapan ang mga suspek na sakay ng itim na Honda Wave motorcycle na walang plaka at dito ay bumunot ng baril ang angkas na suspek at ilang ulit na pinagbabaril ang biktima.
 
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa direksyon papuntang San Jose Del Monte, Bulacan.
 
Tila mayroon agimat ang biktima nang mabatid nito na wala siya kahit isang sugat o tama ng bala kaya agad siyang tumakas palayo at nagpunta sa munisipyo at doon ay inereport niya sa pulisya ang naturang pananambang.
 
Sa inisyal na imbestigasyon tanging ang sasakyan ng biktima ang nagtamo ng tama ng mga bala habang sa pinangyarihan ng pamamaril ay nakuha rito ang walong basyo mula sa .45 caliber.
 
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa tangkang pagpatay sa nasabing municipal administrator.