MARILAO MAYOR PATAY SA AKSIDENTE SA CLARK, 2 PA SUGATAN

Ang sumalpok na Toyota Land Cruiser kung saan lulan ang nasawing alkalde ng Marilao, Bulacan na si Mayor Ricky Silvestre habang sugatan ang driver/ bodyguard at sekretarya na naganap sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue, Clark Freeport Zone, Mabalacat City, Pampanga Linggo ng hapon. Photo CTTO
NASAWI ang alkalde ng bayan ng Marilao, Bulacan habang sugatan naman ang driver bodyguard at sekretarya nito matapos sumalpok ang sasakyan nila sa isang poste ng ilaw sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue, Clark Freeport Zone, Mabalacat City, Pampanga Linggo ng hapon.
 
MAYOR RICKY SILVESTRE
 
Kinumpirma ng anak ng alkalde na si Jackielou Silvestre-Guillermo ang pagkamatay ng kaniyang ama na si Mayor Ricky Silvestre, 65, na naisugod pa sa pagamutan bago binawian ng buhay sa Medical City sa Clark Freeport Zone.
 
Kritikal naman ang driver/ bodyguard na si PSSg Rodel Gojo Alcantara, 48, residente ng No. 1819 Catmon, Sta. Maria, Bulacan na isinugod sa nasabi ring pagamutan.
 
Sa Angeles University Foundation hospital naman isinugod si Karen Bonifacio, Secretary ni Mayor Silvestre.
 
Base sa imbestigasyon, ang mga biktima ay lulan ng puting Toyota Land Cruiser na may plate number CAP-3127 na minamaneho ni Alcantara nang maganap ang malagim na trahedya bandang alas-5:39PM.
 
Nabatid na sa bahaging gitnang upuan si Mayor Silvestre naka-upo katabi ang sekretarya at hinihinalang hindi naka-seat belt nang maganap ang aksidente.
 
Habang binabagtas ng mga biktima ang nasabing lugar  ayon sa mga nakasaksi ay nakita munang nagpasuray-suray ang sasakyan bago tuliyang sumalpok sa poste.
 
Samantala, may teorya ang kapulisan na nakatulog ang driver na naging dahilan ng aksidente.
 
Nagawa pang maisugod sa Medical City, Clark Freeport Zone ang alkalde at driver nito ng mga rumespondeng CDC Medics subalit bandang alas-7:10 ng gabi ay binawian ng buhay si Silvestre.
 
Patuloy pang inaalam kung saan talaga patungo ang mga biktima nang maganap ang insidente.
 
Samantala, nagpahayag naman ng kalungkutan si Governor Daniel Fernando sa sinapit ng alkalde na isa aniyang magaling na lider ng bayang Marilao kaya naman taos-puso ito nagpaabot ng pakikiramay sa naulilang pamilya.
 
“Mabigat dahil nawalan tayo ng masipag at mahusay na mayor at nagkataon pa na nangyari ito sa saktong ika-100 araw ng kaniyang panunungkulan at araw din ng kaarawan ng kaniyang asawa na si Luisa,” wika ni Fernando.
 
Nabatid na matapos matanggap ang masamang balita ay agad na sumugod ang gobernador kasama si Vice Gov. Alex Castro sa Medical City sa Clark kung saan dinala ang yumaong punong bayan.
 
Nagpaabot din ng pakikiramay si Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, pangulo ng League of Municipalities of the Philippines-Bulacan Chapter sa pamilya ni Mayor Silvestre.