Nakalulumbay na mabalitaan ang dagliang pagpanaw ni Kalihim Susan ‘Toots’ Ople, ng Department of Migrant Workers (DMW,) isang tagapagtaguyod para sa karapatan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kauna-unahang Kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW), sa edad na 61, kamakailan.
Maraming tulong pa sana ang magagawa ng nasabing kalihim para sa kapakanan ng mga tinaguriang ‘Mga Bagong Bayani.’ Taglay nito ang karunungan at kaalaman ng kanyang Ama na si Ka Blas Ople, dating Kalihim ng Paggawa, na nagsilbi ng 19 na taon bilang Labor Minister ng ama ni Marcos Jr., na si Ferdinand Sr.
Sa hindi pa nakababatid, batay sa ulat, si Toots Ople, ay yumao bandang ala-una ng hapon, ika-22 ng Agosto, 2023. Maging ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay nalungkot sa maikling buhay na ipinagkaloob sa kanyang kaibigan. Matatandaan na pinangalanan niya si Ople, bilang unang Kalihim ng bagong likhang DMW noong 2022.
Sa ulat sa ‘Social Media,’ inilarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpanaw ni Ople bilang “isang malaking kawalan” sa bansa. Ating isinalin sa tagalog ang sinabi ni Pangulong Marcos Jr., narito po: “Napakalungkot na balita. Nawalan ako ng kaibigan. Nawalan ng kaibigan ang Pilipinas. Si Secretary [Ople] ay isang espesyal na tao, with deep compassion, talagang para sa mga taong inalagaan niya, pangunahin sa mga migranteng manggagawa. Sinunod ni Ople ang tradisyon ng kahusayan at compassion ng kanyang yumaong ama.”
Tsk! Tsk! Tsk! Isang kawalan si Toots sa kabinete ni Marcos Jr., at higit sa buhay ng mga umaasang OFW, na sila ay makapagta-trabaho ng matatag at ligtas sa anumang panganib. Rest in Peace Secretary Toots Ople.
***
HINAING NG MGA GWARDIYA SA PROBINSIYA
Nakatanggap tayo ng ulat mula sa kasalukuyang kalagayan ng mga gwardiya, narito po: Katropa, Sir pwede po ba kami makahingi ng tulong sa inyo. Kung maaari po sana iparating itong aming hinaing na mga security guard, sa gobyerno, sa Congress at kay PBBM. Nananawagan kaming mga security guard, sana po kung ng ano din ang minimum wage sa NCR, ay ganun din dito sa probinsiya. Parehas lang naman kaming mga Guwardiya, tapos maliit lang ang aming sweldo. Dito kasi mahal sa ngayon ang mga bilihin. Sir, Sana po matulungan n’yo kami na iparating itong aming hinaing sa ating gobyerno. Kayo na lang ang pag-asa namin, Kung maaari po sana, huwag n’yo lang ipaalam ang aking apelyido. Maraming salamat po, God bless.
Tsk! Tsk! Tsk! Nawa ay makarating itong ulat ninyo sa kinauukulan, at mabigyan pansin ang inyong kahilingan. Sa mga gwardiya, Mabuhay po kayong lahat! Hanggang sa muli.