Mabilis at Epektibong pagbibigay ng tulong sa mga binaha sa Bulacan, tiniyak ni PBBM

Nagbigay ng katiyakan si Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. sa mga naapektuhan ng malawakang pagbabaha sa Bulacan ng isang mabilis at epektibong pagkakaloob ng tulong mula sa mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal. Bumisita sa Bulacan ang pangulo upang tignan ang malaking pinsala ng baha bunsod ng bagyong ‘Egay’ at Habagat. (RTVM)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. ang mabilis at epektibong pagkakaloob ng tulong at iba pang pag-apay ng pamahalaang nasyonal sa mga naaepektuhan ng malawakang pagbabaha sa Bulacan.

 

“Kaya po ang sadya namin dito ay tiyakin na maganda naman ang patakbo ng distribution, ng mga tulong na dinadala namin kaya po nandito po ang Secretary ng DSWD, Secretary Rex Gatchalian at saka po ang ating Secretary ng DOLE, Secretary Benny Laguesma upang tingnan na lahat ng mga nangangailangan ng tulong ay mabigyan ng tulong”, ani Pangulong Marcos nang pangunahan niya ang pagsasagawa ng Distribution of Various Government Services sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod ng Malolos, Bulacan.

 

Pinakamalaki rito ang P31 milyon na inilaan para sa Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disavantaged/Displaced Workers o TUPAD kung saan nasa anim na libong Bulakenyo ang nabigyan ng pansamantalang trabaho ng Department to Labor and Employment o DOLE.

 

Nagkaloob naman si DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ng halagang P3.8  milyon sa mga pamahalaang lokal sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o DILP.

 

Kabilang dito ang P1 milyon para sa Sari-Sari Store Livelihood Kits sa 66 na taga-Meycauayan at P1 milyon para sa 50 may Dressmaking sa San Rafael.

 

Tig-P500 libo sa 25 Sari-Sari Store with Bigasan Livelihood Kits sa Paombong, 20 taga-San Miguel para kanilang Dagdag Kita at Kaalaman para sa Mananahi tungo sa Reporma at Tagumpay, at para Rice Retailing Package for Marginalized Informal Sectors sa 50 taga- Angat

 

May P300 libo para sa 15 ambulant vendors ng Kabuhayan Tungo sa Progreso ng Obando

 

Sa sektor ng kagalingang panlipunan, ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ay nagpalabas ng P10 milyon para sa isang libong benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS. May halagang P10 libo ang natanggap ng bawat isang benepisyaryo.
 

Para kay Edna Cruz, isa sa benepisyaryo ng AICS mula sa Calumpit, hanggang hita ang inabot na tubig baha sa loob ng kanilang bahay habang lampas dibdib sa labas. Marami sa kanilang gamit ang nalubog. Plano niyang ipambili ang nakuhang ayuda sa mga pangunahing kailangang gamit sa bahay at gamit para sa mga bata.

 

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, inisyal pa lamang ito dahil nasa P500 milyon ang inilaan ng ahensiya para sa iba’t ibang pang-agapay para sa Bulacan. Bukod ito sa 75 libong family food packs o FFP na nauna nang ipinadala ng DSWD sa Bulacan at mayroon pang 105 FFP na dadating.

 

Target naman ng Department of Trade and Industry o DTI na matulungan ang nasa 200 mga micro, small and medium enterprises o MSMEs na pinaka naapektuhan ng malakihang pagbabaha sa Bulacan.

 

Sinabi ni DTI-Region III Officer-in-Charge Assistant Regional Director at siya ring DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon na ang unang 20 MSMEs ay pinagkalooban ng nasa P15 libong halaga ng mga paninda o mga kailangan sa partikular na hanapbuhay gaya ng salon, eatery, bigasan at sari-sari store sa ilalim ng Programa para sa Pagbangon at Paginhawa

 

Ang financial arm ng DTI na Small Business o SB Corporation ay nagpautang ng tig-P300 libo sa dalawang MSMEs at isang P152 libo pa sa ilalim ng Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential o RISE UP Multipurpose Loan.

 

Kaugnay nito, iniabot ni Pangulong Marcos ang nasa P33 milyong halaga ng mga tseke mula sa Presidential Social Fund ng kanyang tanggapan bilang tulong sa mga pamahalaang lokal sa pagtugon sa mga binaha.

 

Pinakamalaki rito ang P15 milyon para sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na pormal na tinanggap ni Gobernador Daniel R. Fernando. Tig-P2 milyon naman ang ibinigay sa mga bayan at lungsod na pinaka naapektuhan ng pagbabaha gaya Bulakan, Calumpit, Bustos, San Ildefonso, San Rafael, Pulilan, Hagonoy, San Miguel at Malolos.

 

Tinanggap din ng gobernador ang P4.3 milyong halaga ng mga binhi mula sa Department of Agriculture o DA. Makikinabang dito ang 3,988 na magsasaka ng Palay, 671 na maggugulay, siyam na magmamais at mayroon ding bahagi rito para sa 713 na mga mangingisda.

 

Samantala, para kay Gobernador Fernando, malaking bagay ang pagkakabisita ni Pangulong Marcos upang habang hinihintay ang implementasyon ng mga imprastrakturang magsisilbing pangmatagalang solusyon sa pagbabaha, masisigurado na mabibigyan ng tulong ang lahat ng mga Bulakenyong naapektuhan ng nangyaring malawakang pagbabaha dahil sa bagyong ‘Egay’.