LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Si Sandiganbayan Associate Justice Maria Theresa Mendoza-Arcega ang nagsilbing panauhing pandangal sa pagdiriwang ng Limang Haligi ng Katarungan 2023 sa Bulacan.
Sumentro ito sa temang “Modernong Pamamaraan Tungo sa Mabilis na Aksyon ng Hustisya” na naglalayon na masuring mabuti at mapalakas ang proseso sa pag-aksyon sa pagkakamit ng hustisya upang maging epektibo at produktibo para sa lahat.
Ayon kay Mendoza-Arcega, mahalaga ang may access sa hustisya dahil importante ito sa lipunan sa pagkamit ng karapatan.
Pinuri niya ang Kapitolyo, sa pamamagitan ng Provincial Legal Office, dahil nag-iisa anya ang lalawigan na patuloy na ipinagdiriwang ang Five Pillars of Justice.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na dapat busisiin mabuti ang proseso dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng taong uusigin, ang pamilya, gayundin ang kinabukasan ng mga anak kung hindi magkakaroon ng tamang katarungan.
Ang Five Pillars of Justice ay binubuo ng kinatawan mula sa Bulacan Police Provincial Office para sa Law Enforcement; Public Prosecutor para sa Prosecution; Regional Trial Court para sa Hudikatura; Provincial Jail Office at Parole and Probation Office para sa Corrections; at Public Attorneys Office, Integrated Bar of the Philippines-Bulacan Chapter, at Provincial Legal Office na kumakatawan sa komunidad.