SISIMULAN na ang konstruksyon ng P9.9-milyong gusali ng Super Health Center (SHC) sa bayan ng San Rafael, Bulacan matapos isagawa ng ceremonial groundbreaking nito sa pangunguna ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go nitong Miyerkules (Hunyo 21, 2023).
Ito ay itatayo sa katabi ng munisipyo ng San Rafael sa Barangay Sampaloc kung saan pinondohan ng P9.9-milyon mula sa General Appropriations Act (GAA) 2023 ng National Budget.
Si Go ay sinamahan nina Acting Gov. Alex Castro, Cong. Lorna Silverio, Mayor Cholo Violago, Vice Mayor Marilyn Veneracion at ang action star na si Ipe Salvador kasama ang ilang opisyales at representante mula sa Department of Health (DOH).
Ayon sa senador, kabilang sa mga serbisyong hatid ng SHC ay database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy, and ambulatory surgical unit.
Kabilang din ang eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; and telemedicine, kung saan magagampanan din dito ang remote diagnosis at treatment sa mga pasyente.
“Maaari rin itong maging flexible sa iba pang mga uri ng paggagamot sa mga susunod pang panahon,” dagdag ni Go.
Ang nasabing center ay kabilang sa 15 mga Super Health Centers na nagkakahalaga ng P172.5 million na pinondohan ng national government na itatayo sa lalawigan ng Bulacan.
Sinabi ng senador na pito sa mga ito ay napondohan sa ilalim ng 2022 National Budget at matatagpuan sa mga bayan ng Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Meycauayan City, City of San Jose Del Monte, San Miguel at Pandi.
Habang ang mga Super Health Centers kabilang ang San Rafael, San Ildefonso, Baliwag City, Plaridel, Marilao, Obando, Paombong at Angat ay nakapaloob naman sa 2023 National Budget.
“ito po ay isang medium type polyclinic na pamamahalaan ng local government unit na ang pangunahing layunin ay mailapit sa tao ang mga serbisyong pangkalusugan sa oras ng pangangailangan,” wika ni Go.
Pagkaraan ng groundbreaking ceremony ay tumungo ang senador at Bulacan officials sa municipal covered court para mamahagi ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) para sa 1,000 katao rito at namahagi rin siya ng bisikleta, bola at cellphone.
Lubos naman pinasalamatan nina Silverio, Castro at Violago si Go sa patuloy nitong pagsuporta at pagbaba ng mga proyektong gaya ng SHC para sa mga mamamayan ng Meycauayan.