Kondisyon ng Bulo Dam, ‘di delikado

Kondisyon ng Bulo Dam, ‘di delikado
Nagsagawa ng site inspection si Bulacan Governor Daniel Fernando sa Bulo Dam na matatagpuan sa Barangay Kalawakan sa bayan ng Donya Remedios Trinidad kasama ang mga opisyal ng National Irrigation Administration buhat sa Central at Region 3 offices kung saan nadiskubreng nagkaroon ng ilang pagkasira sa bahagi ng dam sanhi ng pananalasa ng Super Typhoon Karding noong 2022. Tiniyak naman ng NIA na maayos at ligtas ang kalagayan ng Bulo Dam. Kuha ni: ELOISA ILVERIO
TINIYAK ng pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) na nasa ligtas na kalagayan at hindi delikado ang istraktura ng Bulo Dam Reservoir na matatagpuan Sa Barangay Kalawakan, Donya Remedios Trinidad sa Bulacan sa kabila ng mga nadiskubreng minor damages dito dulot ng Super Typhoon Karding noong Setyembre 2022.
 
Sa isinagawang site inspection noong Martes sa Bulo Dam sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando kasama ang mga opisyales ng NIA Central at Region 3 Offices ay nadiskubreng mayroong mga ilang napinsalang bahagi nito.
 
Tinitignan ni Governor Daniel Fernand ang bumababang bahagi ng lupa sa gilid ng Bulo Dam Spillway ngunit ayon sa NIA ay hindi naman ito delikado. Kuha ni: ERICK SILVERIO
 
Nabatid na nakatawag ng pansin sa tanggapan ng Bulacan Provincial Office ang isang sumbong mula sa isang concern citizen hinggil sa mga bahagi ng dam na nasira dahil sa bagyong Karding na umanoy nakakabahala para sa kalagayan ng mga magsasaka at residente na nasa paanan ng dam.
 
Dahil dito ay agad na ipinatawag ni Fernando ang mga taga-NIA at ikinasa ang actual inspection sa dam na kung saan ayon kay Engr. Cris Manalo, Engineering Operation Division chief ng NIA Central Office ay hindi naman delikado ang mga sirang tinamo ng dam.
 
Kabilang dito ay ang pagkasira ng chute spillway, boltex vane, tagas sa tunnel at bahagyang pagbaba ng lupa sa gilid ng spillway.
 
Pero tiniyak ni Manalo sa gobernador na hindi ito delikado at nangakong ipapaayos o isasailalim sa rehabilitasyon base sa warranty nito.
 
Nagbigay din ng mga suggestion si Fernando sa mga maaaring idagdag sa pagsasaayos ng dam para sa mas matibay na istraktura at kondisyon ng Bulo Dam.
 
Nais ng gobernador na masigurong ligtas at maayos ang kondisyon ng dam dahil nakasalalay dito ng kapakanan at kaligtasan ng bawat mamamayang Bulakenyo.