INIHAYAG ng Provincial Government ng Bulacan na tumaas ang naging koleksyon ng Kapitolyo mula sa mga quarrying fees sa nakalipas na mga taon hanggang sa kasalukuyan.
Sa ulat ni Atty. Julius Victor Degala, head ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) kay Governor Daniel Fernando, naging mahigpit ang pagpapatupad sa pagkolekta ng quarrying fee base sa dami ng mga nakukuhang graba, buhangin at mga uri ng mga bato base 2018 Revised Provincial Revenue Code at 2011 Revised Provincial Environment Code.
Ayon kay Degala, taong 2020 sa kabila ng kasagsagan ng pandemya ay nakapagkolekta ang Kapitolyo ng nasa P43.2 milyon buhat sa quarrying fees at umangat naman sa P59.5 milyon sa sumunod na taon 2021 habang tinatayang aabot sa mahigit P60 milyon para sa taong kasalukuyan.
Pangunahin sa mga hakbang na isinagawa ng BENRO ay ang pagkakaroon ng regular at mas pinahigpit na mga checkpoints kabilang dito ang pagmonitor sa mga pangunahing ruta at mga patagong lagusan na dinadaanan ng mga trak mula sa mga kabundukan at mga kailugan sa Bulacan.
Paliwanag ni Atty. Degala base sa derektiba ni Fernando na partikular na hinahabol ng BENRO ang labis na paghahakot at paghuhukay ng nasabing mga materyales kung saan hindi nababayaran ang angkop na quarrying fee.
“Dapat aniyang akma sa itinakdang sukat ng bawat materyales na nakukuha ang ibinabayad. Iba pa riyan ang pagtugon sa usapin ng overloading na nagreresulta sa labis na pagkasira ng mga kalsada sa Bulacan,” wika ni Degala.
Ayon kay Fernando ang epektibong koleksiyon sa mga quarry fees ay patunay na seryoso ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na pangalagaan ang likas na yaman ng lalawigan habang pinapakinabangan sa tamang paraan para sa kapakanan ng mga Bulakenyo.
Samantala, bagama’t umaangat ang koleksiyon mula sa quarry fees, target ng BENRO na mas mapataas pa ito upang ganap na makinabang ang mga Bulakenyo sa Quarrying industry sa lalawigan.
Sa inisyal na datos ng BENRO, nasa 215 na ektarya ng lupa sa Bulacan ang may aktibong quarrying na pinahihintulutan ng pamahalaang panlalawigan.
SOURCE: Shane Velasco (PIA3-Bulacan)