BAGO tayo bumoto sa Mayo 9, alamin munang mabuti kung sino-sino nga ba ang mga tumatakbo para sa serbisyong publiko at kung ano ang kanilang mga pagkatao.
Makabubuting alamin ang kanilang karanasan at pagganap sa pamumuno, isaalang-alang ang sektor ng lipunan, pamilya o industriya na pinagmulan ng bawat kandidato at ang kanilang mga paninindigan o prinsipyo.
Katulad ng katanungang ano-ano ang kanilang mga plataporma o usaping dapat bigyan ng pansin na mahalaga para bayan at nakararami ba ang makikinabang nito?
O meron ba silang malinaw na pagpapahayag ng mga pananaw at layunin para sa kinabukasan ng bansa, hangarin na maiangat ang mga naghihikahos sa buhay na mga kababayan?
O ‘di kaya ay meron ba silang epektibong kakayahan sa komunikasyong pampubliko o kakayahang makipag-usap sa iba’t ibang uri at antas ng mga tao, kasama na ang mga banyagang pinuno?
Panoorin ang kanilang mga pakikipagpalitan ng opinyon at pampublikong talakayan sapagkat ng mabisang komunikasyon ay nakatutulong upang mas lalong mapadali ng isang pinuno na makamit ang kanyang mga layunin para sa kanyang nasasakupan.
Mahalagang suriin din natin ang pagkatao ng mga iboboto tulad ng hindi ba sila sangkot sa kahit ano mang anomalya, pandaraya, katiwalian at kung anu-ano pang labag sa batas na masamang gawain.
Ang kandidato bang ito ay tapat sa kanilang mga ipinangakong paglalaan ng serbisyo para sa bayan at may mabuting huwarang pag-uugali?
Siya ba ay higit na naging mas epektibo at makakapagsilbi sa bayan ng lubos ng walang bahid ng dungis ang dangal at may malinis na pagkatao?
Dapat nating isaalang-alang ang mga puna at batikos sa kanila subalit gumawa ng sariling pananaliksik ukol sa mga isyu bago maniwala.
Hanapin ang pinagmulan at i-kumpirma sa iyong sariling paraan nang sa gayon, ang taumbayan, ang mga botante ay malaman kung ito ba ay may katotohanan.