LUNGSOD NG MALOLOS – Idineklara ng Provincial Health Office – Public Health (PHO-PH) sa idinaos na Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gymnasium kahapon na nananatili sa Alert Level 1, o minimum risk level classification na mayroon sa bansa, ang kaso ng COVID-19 sa Bulacan.
Nitong Hulyo 11, 2023, iniulat ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) na mayroong 20 fresh cases at 0 late cases kumpara sa 229 na kasong naitala ng PHO-PH noong Hulyo 19, 2022.
Bagama’t napanatili ng probinsya ang low risk level, pinaalalahanan ni PESU Nurse Bryan Alfonso ang mga Bulakenyo na ipagpatuloy lamang ang pagsunod sa Minimum Public Health Standard (MPHS).
“Kabilang po sa ating pagsunod sa ating minimum public health standard ay ‘yung pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay palaguin. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga alcohol-based products, at kung tayo din ay nakararanas ng mga sintomas tulad ng lagnat, ubo, sipon, pananakit ng ulo o ‘di kaya’y pananakit ng katawan, tayo po ay pinakikiusapang mag-home isolation na lamang para hindi na tayo makahawa pa sa iba,” aniya.
Binigyang diin naman ni Gob. Daniel R. Fernando na mayroon pa ring libreng pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga Muncipal Health Center, Rural Health Unit at Barangay Health Station sa buong lalawigan.
Samantala, may kabuuang 2,192 kaso ng Dengue ang naitala mula Enero hanggang Hulyo 2023 na mas mababa ng 68% kumpara sa kabuuang kaso noong nakaraang taon.
“Hindi po mahirap na mababa ang ating mga direktang kaso sa panahon na ito ay ipagpapawalang bahala na natin ang ating kalinisan. Naniniwala po tayo na ang kalinisan ay unang una po nating pinangga sa pagkalat ng sakit na Dengue,” dagdag ni Alfonso.
Nakapagtala ang PHO-PH ng mataas na kaso ng Dengue sa mga munisipalidad ng Bocaue, Bulakan at Marilao mula Hulyo 2-8, 3023.