
Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga — Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin ang kapayapaan at sugpuin ang krimen, aktibong nakiisa ang Police Regional Office 3 (PRO3) sa pagsisimula ng Brigada Eskwela noong Hunyo 9, 2025, bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 16.
Bilang bahagi ng suporta sa taunang programa ng Department of Education, mas pinaigting ng PRO3 ang seguridad sa mga pampublikong lugar at pangunahing lansangan. Kasama rito ang pagbisita ng mga kapulisan sa iba’t ibang paaralan upang maghatid ng karagdagang proteksyon at kaalaman sa mga mag-aaral at guro sa pamamagitan ng information drives at pamamahagi ng mga leaflets ukol sa mga uri ng krimen at mga hakbang upang ito’y maiwasan.
Nakipag-ugnayan din ang PRO3 sa mga lokal na pamahalaan at mga force multipliers upang tiyaking ligtas ang mga paaralan habang isinasagawa ang iba’t ibang aktibidad para sa Brigada Eskwela. Layunin ng hakbang na ito na tiyaking maayos, ligtas, at handa ang mga paaralan sa muling pagbabalik ng mga mag-aaral.
“Ang Brigada Eskwela ay hindi lamang isang simpleng aktibidad ng paglilinis at pagsasaayos ng silid-aralan. Isa itong konkretong oportunidad para sa kapulisan na ipadama sa bawat estudyante, guro, at magulang na ang PNP ay kaagapay nila—hindi lamang sa usapin ng seguridad kundi sa mismong proseso ng pagbubuo ng mas ligtas at maunlad na kinabukasan,” ani Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3.
“Habang hinuhubog ng mga guro ang isipan ng ating kabataan, tungkulin naman namin na tiyakin ang kanilang seguridad at kapakanan. Walang puwang ang krimen sa mga lugar na itinuturing na ikalawang tahanan ng ating kabataan. Sa bawat paaralan na aming binibisita, dala namin ang mensaheng: Ligtas kayo, kasama ninyo kami.”
Ang pakikilahok ng kapulisan sa Brigada Eskwela ay patunay ng pangako ng PRO3 sa responsableng pagserbisyo, kaagapay ng sambayanan tungo sa isang ligtas at maunlad na bagong henerasyon.