Kapitbisig sa Pag-unlad MPC, naiuwi ang Cooperative Awards for Continuing Excellence sa GGK 2022

COOPERATIVE AWARDS FOR CONTINUING EXCELLENCE.
Tinanggap ng Tagapangulo ng Kapit Bisig sa Pag-unlad MPC Enrique Germar kasama ang iba pang miyembro ng nagwaging kooperatiba ang Cooperative Awards for Continuing Excellence mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) sa idinaos na GGK 2022 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lungsod ng Malolos, Bulacan kamakailan. Kasama rin nila sina (dulong kaliwa) Chief of Staff at PCEDO OIC Abgd. Jayric Amil, Co-Chairperson ng Committee on Cooperatives Leilani N. Babista, (ikalima mula kaliwa) Cooperative Development Specialist Jenalyn D. Ferrer, Bise Gob. Alexis Castro, Gob. Daniel R. Fernando, mga Bokal Allen Dale Baluyut at Romina Fermin, Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia Constantino at Pangulo ng Bulacan State University Dr. Cecilia N. Gascon. ERICK SILVERIO

Sa lahat ng natatanging mga kooperatiba sa lalawigan, naiuwi ng Kapitbisig sa Pag-unlad MPC mula sa bayan ng Pandi ang pinakamataas na parangal na Cooperative Awards for Continuing Excellence sa isinagawang Gawad Galing Kooperatiba 2022 sa pangunguna ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Malolos City nitong Martes (Nobyembre 15, 2022.

Sa kanilang patuloy na pakikilahok at suporta sa kanilang kapwa, nasunod ng Kapitbisig sa Pag-unlad MPC ang mga pamantayan ng isang mahusay na kooperatiba na naging dahilan upang makamit nila ang pinakamataas na parangal sa pagkilala na may premyong nagkakahalaga ng P65,000 at tropeo.

Tumanggap din ang nasabing kooperatiba ng Hall of Fame award para sa kanilang mga natatanging pagganap sa mga nakaraang taon.

Tumanggap rin ng special awards ang iba pang mga natatanging kooperatiba kung saan sila ay nag-uwi ng premyong nagkakahalaga ng P15,000 at tropeo bawat isa kabilang na ang Rabbit Raisers and Meat Producers Cooperative sa ilalim ng Micro Scale Category; PAGUNOVA Transport and Multi-purpose Service Cooperative, Catholic Servants of Christ Community Multipurpose Cooperative, Marilao Municipal Employees Multi-Purpose Cooperative para sa Medium Scale Category; at Sta. Monica of Bustos Multipurpose Cooperative at Palayan sa Nayon Multipurpose Cooperative para sa Large Scale Category.

Sa ngalan ni Regional Director Cristina H. Villamil ng Cooperative Development Authority-Region III, binati ni Cooperative Development Specialist Jenalyn D. Ferrer ang lahat ng mga nominadong kooperatiba at awardees sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa, lalo na sa pag-asenso ng lalawigan.

“Napakalaki po ng kontribusyon ng sektor ng kooperatiba sa pag-unlad ng ating bansa at sa Lalawigan ng Bulacan; at sa mga opisyales na isinusulong sa mga kooperatiba ang walang humpay na suporta sa ating sektor. Binabati ko kayo at sana ay ipagpatuloy niyo ang magandang kalidad ng pamamahala at operasyon ng inyong kooperatiba,” ani Ferrer.

Sa kanyang mensahe, inihayag ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang pasasalamat sa mga kooperatiba bilang makabuluhang salik na naghatid ng mga parangal sa lalawigan kamakailan at hinimok ang mga Bulakenyo na magtatag ng mas maraming kooperatiba.

“Lubos kong pinapahalagahan ang inyong inisyatibo at pagsisikap na makapag-ambag ng magandang pagbabago sa ating bayan. Ang ating kolektibong pagkilos ang siyang maghahatid ng matamis na bunga ng kaunlaran sa hapag ng bawat isang pamilyang Bulakenyo. Sa inyong paglago bilang isang samahan ay nagiging daluyan kayo ng pagpapala sa ating mga kababayan sapagkat nakapagbibigay kayo ng maraming oportunidad at trabaho sa kanila,” anang gobernador.

Dumalo rin sa programa sina Bise Gobernador Alexis C. Castro at Bokal Allen Dale Baluyut, Tagapangulo ng Lupon ng Kooperatiba, upang ibahagi ang kanilang mga mensahe kasama ang mga miyembro ng Provincial Cooperative Development Council.

Bukod pa rito, 15 pang mga kooperatiba sa ilalim ng kategoryang Small Scale, Medium Scale, Large Scale at Billionaire Category ang tumanggap din ng cash incentive na nagkakahalaga ng P5,000 at tig-isang tropeo para sa ‘Natatanging Bayanihan ng Kooperatiba sa Panahon ng Pandemya – Ikalawang Yugto’ habang pito pang kooperatiba ang nakatanggap ng P10,000 kasama ang mga sertipiko bilang consolation prizes.

Nakatanggap din ng Golden Year Award ang St. Martin of Tours Credit and Development Cooperative mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa kanilang ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag noong 2020.