Kampanya kontra dengue pinaigting sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Dahil sa banta ng dengue lalo na ngayong panahon ng tag-ulan, ipinag-utos ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang agaran at pina-igting na mga hakbang sa pag-iwas laban sa dengue sa pangunguna ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH).
 
Ito ang direktiba ng gobernador sa ginanap na online meeting na tinawag na “Collaborative Efforts for the Dengue and Prevention Control” kamakailan.
 
Sa panayam kay Fernando sinabi nito na regular dapat isinasagawa ang fogging/spraying at ang masidhing pagbabantay sa mga apektadong lugar.
 
“Ang ating layunin ay babaan ang kaso ng dengue hindi lamang sa panahong ito. Ayon sa ating PHO officer, the whole year may dengue kaya dapat mandato na buwan-buwan na may fogging/spraying sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue. We should always have immediate action. Maganda na ‘yung handa dahil prevention ang pinaka mahalaga,” anang gobernador.
 
Inanunsiyo rin niya sa pulong ang kanyang plano na gumawa ng executive order na nag-aatas sa mga may-ari ng gusaling pangnegosyo na magsagawa ng fogging/spraying kahit isang beses sa isang buwan bilang preventive measure upang matigil ang pagkalat ng sakit na dengue.
 
Hinikayat rin ni Cielito Nikki Ross Gonzales, Dengue Program Coordinator ng PHO, na sundin ang enhanced 4S strategies: suyurin at sirain ang pinamumugaran ng mga lamok; sarili ay protektahan laban sa mga lamok; sumangguni agad sa pagamutan kapag may sintomas ng dengue; suportahan ang fogging/spraying operations kapag may banta ng outbreak.
 
Ipinag-utos rin ng gobernador sa PHO-PH na magsagawa ng oryentasyon para sa mga opisyal ng barangay, health workers at mga volunteer upang paigtingin ang pagbabantay at implementasyon ng enhanced 4S strategies sa bawat barangay.
 
Ayon sa PHO-PH, nakapagtala na ang Bulacan ng may kabuuang 2,737 kaso ng dengue mula Enero hanggang Hunyo 11, 2022 na mas mataas ng 54% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon kung saan karamihan sa naitalang kaso (40%) ay mula sa age bracket na 11 hanggang 20 taong gulang.
 
Kabilang sa mga bayan na may matataas na kaso ay ang mga bayan ng San Miguel na may 687 na kaso; San Ildefonso na may 215 kaso; Santa Maria na may 172 na kaso; Plaridel na may 83 kaso at Angat na may 73 na kaso.
 
 Ang dengue ay isang viral disease na nalilipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng isang infected na babaeng lamok na tinatawag na Aedes na may dalang dengue virus.