ISA nang ganap na Level 2 hospital at tatawaging bilang Joni Villanueva General Hospital ang pampublikong pagamutan sa bayan ng Bocaue, Bulacan matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act 11720 na nagbibigay ng estado sa naturang ospital bilang isang ganap na general hospital.
Ayon kay Irish San Pedro, tagapagsalita ng Department of Health (DOH)-Bulacan Field Office, ang pagiging isang Level 2 na ospital ay nagbibigay ng mandato upang magkaroon ng mga pasilidad gaya ng Intensive Care Unit, pediatrics, obstetrics , gynecology, surgery, mga laboratoryong kumpleto ang kagamitan at karagdagang bed capacity.
Sa nasabi ring batas, isinasaad na ang Joni Villanueva General Hospital ay direktang maipapailalim sa pangangalaga at pangangasiwa ng DOH, mula sa ngayo’y extension facility lamang ng Jose B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) na nakabase sa San Fernando, Pampanga.
Ibig sabihin, obligasyon na mismo ng DOH na makagawa ng Hospital Development Plan gaya ng pagdadagdag ng bed capacity na kasalukuyan ay nasa 50 beds.
Kasama rin dito ang pagpapabuti ng mga health care facilities, service capability at human resource complement para sa pagiging ganap na isang general hospital.
Taong 2017 nang ipatayo ito ng Pamahalaang Bayan ng Bocaue bilang isang inisyal na lokal na ospital.
Pormal na binuksan noong Mayo 29, 2021 bilang extension facility ng JBLMGH sa mga pasyenteng may mild at severe COVID-19.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, umaabot na sa P300 milyon ang nagugol sa pagpapatayo nitong Joni Villanueva General Hospital mula sa taunang pambansang badyet at sa Health Facility Enhancement Program (HFEP). Iba pa rito ang isang unit na bagong ambulansiya mula sa DOH.
Matatagpuan ang nasabing ospital sa 9,425 metro kudradong lupa na ipinagkaloob ng pamilya Villanueva sa inisyatibo ni noo’y nabubuhay pa na si Mayor Joni Villanueva.
Ito ay ilang metrong layo lamang malapit sa pinagtatayuan ngayon ng munisipyo ng Bocaue na katabi ng Ciudad de Victoria Interchange ng North Luzon Expressway (NLEX).
SOURCE: Shane F. Velasco (pia-bulacan)