Kinasuhan sa Office of the Ombudsman ang dating gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson, ang kanyang anak, at kapatid dahil sa umano’y maling paggamit ng pondo mula sa excise tax sa tabako sa Central Office sa Quezon City noong Lunes, Abril 13.
Ang Warriors Ti Ilocos Sur, Inc., isang grupo ng mga magsasaka mula sa Ilocos Sur ay kinatawan ng abogadong si Estelita Cordero na nagsampa ng mga reklamong kriminal sa Ombudsman laban kay former Governor Luis “Chavit” Singson, sa kaniyang anak na si former governor Ryan Luis Singson at sa kaniyang kapatid na si incumbent Governor Jeremias Singson.
Nahaharap din sa kaparehong kasong umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act (RA3019) ang iba pang mga dating at kasalukuyang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan provincial board members Pablito Sanidad Jr., Joselle Gironella, Gina Cordero, Mildred Elaydo, Benjamin Maggay, Leopoldo Gironella Jr., Mikaela Karita Singson-Bautista, Constante Oandasan, Ronnie Rapanut, Efren Rafananturo III, at Art Constantine Oandasan.
Ibinasura ng nakatatandang Singson ang kaso bilang panliligalig. Aniya, hindi magbibigay ng pormal na tugon ang kanyang pangkat hangga’t hindi nila narerepaso ang reklamo.
Sinabi ni Cordero, na nagsisilbi ring pangulo ng grupo, na daan-daang milyong piso sa pondong excise tax sa tabako ang ginamit nang mali bilang paglabag sa Republic Act 7171, o Act to Promote the Development of the Farmers in the Virginia Tobacco Producing Provinces.
“Ang mga pondo ay orihinal na inilaan para sa pagtatatag ng Tobacco Farmers Convention Center, na kalaunan ay ginawang ‘Chavit Coliseum,’” ayon sa reklamo.
“The Singsons and the board members violated the provisions of RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) “for allegedly giving unwarranted benefits to Chavit Singson through manifest partiality and evident bad faith,” ayon pa sa complaint affidavit.
Nahaharap din sila sa mga kasong paglabag sa RA 8240 “para sa umano’y maling paggamit ng kita mula sa excise tax sa tabako, na legal na ipinag-uutos para sa specific agricultural and livelihood projects,” ayon kay Cordero.
“Nilabag din ng mga respondent ang Artikulo 220 ng Revised Penal Code (Technical Malversation) dahil sa umano’y paggamit ng pondo ng publiko para sa iba pang gamit maliban sa orihinal na paglalaan sa mga ito,” ani Cordero.
Inaangkin ng grupo na humigit-kumulang P585 milyon ang nagastos sa pagtatayo ng Tobacco Farmers Convention Center. Nagsimula ang paggawa sa pasilidad noong 2008 ngunit pagkalipas ng 10 taon, “ang proyekto ay wala pang 10 porsyentong kumpleto at kalaunan ay itinigil.”
Sa kabila ng mga rekomendasyon mula sa Commission on Audit (COA) na kumpletuhin ang pasilidad, sinasabing ginamit umano ng mga respondent ang pondo para itayo ang “Chavit Coliseum” sa parehong lugar, ayon sa reklamo.
“The coliseum is characterized as a ‘tribute to Chavit Singson’ rather than a facility serving the mandated agro-industrial needs of tobacco farmers,,” sabi ng grupo.
Kasama sa pagsasampa ng naturang kaso ay ang hiling sa Ombudsman laban sa mga respondent, ang kanilang preventive suspension nang anim na buwan nang walang bayad upang maiwasan ang pakikialam sa ebidensya o pananakot sa mga saksi.
Una nang pinabulaanan ni Chavit Singson ang mga kasong isinampa laban sa kaniya noong taong 2025 sa kaso ring graft kung saan aniya ay isang paninira o “attack dog” laban sa kaniya.
Samantala, pilit na kinokontak upang makuha ang panig ng mga Singson at iba pang respondent nang sa gayon ay malaya nilang maibahagi ang kanilang panig kaugnay ng nasabing kaso.





