Ilikas na lahat ng OFWs sa Ukraine – Villanueva

HINIMOK ni Sen. Joel “TESDAMAN” Villanueva ang Department of Foreign Affairs na maghandang gawing mandatory na ang paglikas ng mga OFW mula sa Ukraine dahil sa paglusob ng tropang militar ng Russia.

Ilikas na lahat ng OFWs sa Ukraine – Villanueva
SEN. JOEL VILLANUEVA

Ito ang panawagan ng senador habang patuloy ang tunggalian sa pagitan ng dalawang bansa, gayundin ang diplomatikong negosasyon ng kanilang mga kinatawan.

 

“Unang araw pa lang ng pagpasok ng Russia sa Ukraine ay dapat naihanda na natin at napag-utos ang mandatory na paglikas ng ating mga OFW sa areas of conflict. Mababawi pa natin ang kanilang kabuhayan, kaya buhay muna nila ang ating unahing sagipin,” sabi ni Villanueva.

 

Dagdag ng senador na prayoridad ang mailikas ang mga OFW sa ligtas na karatig-bansa gaya ng Poland, kung saan may nakaabang na mga tauhan ng Philippine embassy para sila ay tanggapin at pauwiin. Pinasalamatan din niya ang DFA at DOLE sa kanilang agarang aksyon.

 

Gayunpaman, nabanggit ni Villanueva na boluntaryo pa rin ang paglikas ng mga OFWs sa Ukraine mula kahapon (Pebrero 28).

 

“Kailangan natin ng mas malinaw pang protocol kung kailan dapat gawing sapilitan na ang paglikas ng OFWs sa isang area of conflict. Hindi pa ba sapat na binobomba na ang bansa para gawing mandatory ang paglikas ng OFWs?” giit ng senador.

 

Sinabi rin ng sponsor at may-akda ng batas nagtatatag ng Department of Migrant Workers na naiintindihan niya na ang pag-aatubili ng mga OFWs sa pag-uwi dahil sa kakulangan ng trabaho sa Pilipinas.

 

“Ito po ang ating pinaglalaban ngayon para sa ating mga OFW: ang pagbabantay sa kanilang kapakanan, habang binibigyan din sila ng mas magandang oportunidad na magtrabaho sa sariling bayan,” sabi ni Villanueva.

 

Nakiusap rin si Villanueva na bigyan ang mga nagsilikas na OFWs ng mga serbisyo mula sa Overseas Workers Welfare Administration gaya ng psychosocial assistance para ibsan ang trauma mula sa giyera. Dapat rin daw silang isailalim sa reintegration programs ng ahensya kahit habang nasa evacuation center pa sila upang madali silang magkaroon ng kabuhayan sa pagkakataong pauwiin sila sa Pilipinas.

 

“Naniniwala pa rin po tayo na balang-araw, sa tulong ng Department of Migrant Workers, hindi na napipilitan ang mga Pilipino na makipagsapalaran sa ibang bansa para lang may maipakain sa kanyang pamilya. Sa ngayon, ibigay natin ang lahat ng tulong na maaari nating ibigay para sa mga OFWs natin sa Ukraine,” dagdag ng senador.