Ika-128 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas ginunita sa Bulacan

Pinangunahan ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Commissioner Dr. Francis M. Navarro kasama ang mga opisyal sa lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel Fernando, Vice Gov. Alexis Castro, Malolos City Mayor Christian Natividad at Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director PBGEN Jess Mendez ang pagdiriwang ng ika 128 Taon Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Kuha ni: ELOISA SILVERIO

LUNGSOD NG MALOLOS — Ipinagdiwang ng lalawigan ng Bulacan ang ika-128 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas kasama si Dr. Francis M. Navarro, Komisyoner ng Pambansang Komisyon sa Kasaysayan ng Pilipinas (NHCP), bilang panauhing pandangal, na ginanap sa makasaysayang  Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito noong Biyernes, Hunyo 12.

Sa temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,” pinangunahan ni Navarro ang wreath-laying ceremony sa harap ng monumento ni General Emilio Aguinaldo kasama sina Governor Daniel R. Fernando, Vice Governor Alexis C. Castro, City of Malolos Mayor Atty. Christian D. Natividad at Vice Mayor Gilbert T. Gatchalian.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Navarro na ang Kalayaan ay hindi ibinigay kundi ito aniya ay pinagdusahan at ipinaglaban. “Ang Araw ng Kalayaan” ay higit pa sa pagpapahayag ng kalayaan, ito ay pagpapahayag sa mundo na mayroong bansang Pilipinas, isang bayan na binuo sa pamamagitan ng mga pangarap at sakripisyo,”, ani Navarro.

Hindi aniya matatawaran ang nagng ambag ng lalawigan ng Bulacan kung saan ang pook ng Barasoain at Malolos ay mga pook na nagpapatunay na ang kasaysayan ay hindi lamang alaala ng nakaraan kundi gabay ng kinabukasan sa bawat Pilipino.

“Manatili tayong tapat sa mahahalagang nagbigay buhay sa ating pagka-bansa, pagkakaisa, pagmamahal sa bayan at pag-asa- Walang duda na ang susunod na henerasyon ay magmamana ng isang Pilipinas na mas matatag, mas maunlad at mas malaya,” panawagan ni Navarro.

Ayon naman kay Gob. Fernando, ang kalayaan ay hindi isinilang sa sandata lamang o sa larangan ng digmaan kundi ito ay isinilang sa pagtatagpo ng panananampalataya at pagmamahal sa bayan.

Hinihimok ni Fernando ang mga Bulakenyo na isabuhay ang lahat ng aral na iniwan ng mga bayaning Pilipino, lalo na ang mga may kaugnayan sa paglaya ng bansa. Hinikayat din niya silang protektahan at pahalagahan ang kalayaang iyon.

“Sa pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan, sana ay isabuhay natin ang mga aral na iniwan ng ating mga bayani sa ating kasaysayan, lalo na ang aral ng paglaya mula sa mga mananakop. Ang kalayaan pong ito na ating tinatamasa ay isang pamanang marapat lamang nating pag-ingatan at pagyamanin pa,” ani Fernando.

Sinabi naman ni Mayor Natividad na  sa kasalukuyang panahon ay kailangan ng bansa ang mga taong punong-puno ng courage, ng tapang para ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan dahil kailangan pa rin ng isang malayang Pilipino na patuloy na magtutuwid, magtatama sa pagkakamaling nagawa ng bansang Pilipinas.

“Magkaisa tayo, ipagpatuloy ang alab ng laban. Huwag natin kalilimutan na ang kalayaan ay patuloy na nananalaytay sa ating mga kamay. Ang kalayaan nati’y patuloy nating ipaglaban mula noon hanggang ngayon,” wika ni Natividad.