IBIG PABAGSAKIN SI LENI AT HINDI SI BONGBONG?

HINDI ko masakyan o ang lohika ng nais ng ilang kandidato na tumatakbo sa pagka-pangulo ng bansa, para sa Halalang 2022, na nagsagawa ng joint press conference noong Easter Sunday. Matapos kong mapanood sa Social Media ang nais ni Mayor Isko Moreno (sa aking pagkakaintindi,) ay bumababa na si Leni Robredo, at sumanib na lang sa kanilang mga napagiiwanan sa survey. 

Lumalabas kasi na ang lamang ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ay malaki hindi hamak kaysa sa bilang nila Moreno at dalawa pang kasama sa naturang pinagsanib na press conference. 
 
At si Leni ay pumapangalawa, na malaki din ang bilang sa survey kumpara sa kanila Isko, former Defense secretary Norberto Gonzales, Ping Lacson, Manny Pacquiao at iba pang kandidato sa pagka-pangulo.
 
Sumatutal, iginiit ni Moreno na mag-withdraw na si Robredo, para lumaki ang kanilang bilang para mabuwag nila si Marcos, Jr.Tsk! Tsk! Tsk! 
 
Meron akong suhestiyon kila Moreno at sa iba pang presidentiables, bakit hindi kayo magkaisa, kung nais ninyong madaig si Marcos Jr. Magsanib pwersa kayong nahuhuli sa bilang sa survey? 
 
Bakit imbes na si Robredo ang pinaaatras ninyo, ay bakit hindi ninyo sabihan si Bongbong Marcos na siyang umatras, ng sa gayun ay kayo ang mamuno? 
 
Pero tanong, sino ba sa inyo ang karapat-dapat na pwedeng ihalili sa pangunguna ni Bongbong? Tiyak na kayo-kayo din ang siyang mag-uupakan at magsisiraan sa bawat –isa, dahil lahat kayo ay naghahangad na maluklok sa pagka-pangulo ng bansa. Bakit hindi na lang kayo sumanib kay Robredo na siyang may pangalawang malaking bilang sa survey? 
 
MAKABAGONG MGA SASAKYAN SA LSJDM, IKINALUGOD
 
Batid po ba ninyo na magiging moderno na ang transportasyon sa Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) Lalawigan ng Bulacan? 
 
Basahin natin ang ating nakalap na impormasyon at mga naitalang ulat ni Mayor Arthur Robes, ng dumalo siya sa Grand Launching and Blessing of 20 Brand New YouYi ZGT 6540 Modern Jeepneys na ginanap sa City Convention Center.
 
Pinangunahan ito ng Sapang Palay Grotto Transport Service Cooperative. Ang programa na gawing moderno ang lahat ng pampublikong transportasyon ay naging matagumpay, kaya ang iba’t ibang transport cooperative sa lungsod ay talagang sumusunod sa mandato ng National Government.
 
Ang nasabing programa ay nagpapamalas na ang LSJDM, ay patungo sa pagiging progresibo. “Bagkus gusto natin bigyan ng komportableng eksperyensya ang ating mga kababayang San Joseño. 
 
Nagpapasalamat po ako sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Development Bank of the Philippines (DBP), sa ating City Cooperative and Development Office, sa City Traffic Management- Sidewalk Clearing Operations Group at sa pamunuan ng Sapang Palay Grotto Transport Service Cooperative sa pangunguna ni G. Lorenzo G. Dema-ala II sa suporta at pagtalima sa programang ito,” wika pa ni Mayor Robes sa kanyang ulat.
 

Tsk! Tsk! Tsk! Modernong Transportasyon, Tuluy-tuloy para pa sa mas mainland na San Jose Del Monte. Arya San Joseño.