MARIING isinulong ni Sen. Joel “TESDAMAN” Villanueva ang agarang pagpapatigil ng operasyon ng e-sabong sa bansa dahil sa negatibong epekto ng naturang sugal sa lipunan.
“Hindi dapat mag-operate ang e-sabong hangga’t hindi natin nasisigurado na protektado ang ating taumbayan mula sa negative social effects ng sugal. Hindi lang po pera ang itinataya dito, kundi buhay na rin ng ating mamamayan,” sabi ng senador.
Ito ang naging pahayag ng senador sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Huwebes nang kwestiyunin ang Philippine Amusement and Gaming Corporation patungkol sa e-sabong at sinabing hindi maaring magbigay ng lisensya at magregulate ang PAGCOR ng sabong sa bansa.
“Bahagi po tayo ng Kamara de Representante na tumutol sa pagpasa ng PAGCOR Charter noong 2007. Ayon sa Section 10 ng Republic Act No. 9487 o ang amended PAGCOR Charter, hindi kasama ang “cockfighting” o sabong sa mga sugal na maaaring bigyan ng license to operate at i-regulate ng PAGCOR. Ano ang legal basis ng PAGCOR para magbigay ng lisensya sa mga e-sabong operations?,” tanong ni Villanueva.
Lumabas rin sa pagdinig noong Huwebes na wala pang umiiral na mekanismo ang PAGCOR para ipatupad ng mga e-sabong operators ang mga regulasyon gaya ng pagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na lumahok sa sugal na ito.
“Ipatigil muna natin ang operasyon ng e-sabong kung hindi pa kayang pigilan ng PAGCOR ang pagsali dito ng mga opisyal ng gobyerno o mga kapulisan. Kung ibang negosyo ito, napasara na ito agad ng gobyerno,” sabi ng senador.
Sinabi din ni Villanueva na maaaring ireklamo at ipagbawal ng mga kaanak ng indibidwal na may gambling problem ang makapasok sa mga establisimyento kagaya ng mga casino, o ang tinatawag na “Responsible Player Gaming Exclusion.” Subalit ani ng PAGCOR noong pagdinig na wala pang ganitong sistema para sa e-sabong.
Binigyang atensyon din ni Villanueva na madaling malabag ang mga patakarang ito dahil napakadaling tumaya at maglaro ng e-sabong gamit ang mga online payment platforms. Ani ni Villanueva, sa loob ng dalawang minuto ay maaring magrehistro at maglaro ang mga empleyado ng gobyerno, pati na rin ang mga menor de edad at kahit overseas Filipino workers, dahil walang sapat na identity and age verification mechanisms na umiiral.
Kinumpirma din ng PAGCOR na maari nilang suspindihin o ipatigil ang isang lisensya ng operator kapag may nagaganap na mga paglabag sa mga regulasyon tulad ng pagpayag sa kabataan na maglaro o tumaya.
Binanggit din ni Villanueva na nagdudulot ng mental disease ang pathological gambling, na humahantong sa pagkasira ng pamilya, krimen, at suicide.
Sinuportahan ni Villanueva ang Senate Resolution na naghihimok sa PAGCOR na suspendihin ang lisensya ng mga e-sabong operators hangga’t hindi pa nareresolba ang napabalitang pagkawala ng 31 na sabungerong sangkot sa naturang sugal.
“Trabaho po at hindi sugal ang magbibigay ng oportunidad sa mga Pilipino. Hindi po tayo papayag na mabalewala ito dahil sa sugal na hindi oportunidad kundi panganib ang hatid sa ating mga kababayan,” dagdag ni Villanueva.