Hepe ng San Miguel Police patay sa pamamaril

AGAD binawian ng buhay si Police Lieutenant Colonel Marlon Serna, hepe ng San Miguel Police Station matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo makaraang maka-engkuwentro ang di pa nakikilalang armadong kalalakihan sa isang police operation sa San Ildefonso, Bulacan Sabado ng gabi.
 
Police Lieutenant Colonel Marlon Serna
PLtCol Marlon Serna Acting Chief of Police San Miguel Municipal Police Station
Ayon sa report na tinanggap ni PCol. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), bukod sa biktima ay sugatan din ang kasama nito na si  Jay Jay Gabriel, residente ng  Barangay Soledad, Sta. Rosa, Nueva Ecija.
 
Base sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-9:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa Barangay Buhol na Mangga sa San Ildefonso habang ang grupo ng San Miguel Police sa pamumuno ni Serna ay nagsasagawa ng follow operation at hot pursuit sa armadong kalalakihan sa naganap na nakawan sa Barangay San Juan sa bayan ng San Miguel.
 
Nabatid na agad namataan ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Barangay Buhol na Mangga at nang lalapitan ito ng mga rumespondeng pulis ay agad silang pinaputukan kung saan tinamaan sa ulo si Serna at ikinasugat ng isa pa.
 
Mabilis na tumakas ang mga suspek papuntang Barangay Akle, San Ildefonso habang agad na isinugod  ang mga biktima sa Emmanuel Hospital subalit binawian ng buhay ang hepe.