Isang light helicopter ang bumagsak sa isang sapa sa Sitio Arimung-mong, sa Barangay San Miguel, Guimba, Nueva Ecija, nitong Pebrero 1, 2025 bandang alas-5:00 ng hapon na nagresulta sa pagkamatay ng piloto nito.

Ang nasabing helicopter na may body number na RP-C3424 ay lulan si Pilot Julia Flori Monzon Po, 25 taong gulang, residente ng Marina Bay Homes, Asia World, Parañaque City.
Kinumpirma sa report na si Po ay ang pilot ng TV host at senatorial bet na si Willie Revillame.
Personal na nagtungo si Revillame sa HM Mina Funeral Services sa Pacac, Guimba, kung saan dinala ang labi ni Po. Nakatakdang ihatid ang bangkay ng piloto ngayong gabi ng Sabado sa Heritage Park sa Parañaque.
Ayon kay Lt. Col. George C. Calauad, Jr., Hepe ng Guimba Police Station, agad na naglunsad ng rescue at recovery operations ang mga awtoridad kasunod ng aksidente.
“Iniimbestigahan pa ang dahilan ng pagbagsak ng helicopter, at nakipag-coordinate na kami sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa masusing pagsusuri sa insidente,”ani Calauad.
Kinumpirma naman ng CAAP na nakatanggap ng multiple emergency alert ang Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) tungkol sa insidente.
Ang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) ay kaagad na ipinadala si (Ret.) Col. Rhomel Ronda sa lugar ng pinagbagsakan upang matukoy ang sanhi ng aksidente.
Nabatid na bago ang trahedya ay kumpirmadong nahaitd pa ni Po si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa Baguio City ng umaga bago nangyari ang malagim na trahedya.