STA. MARIA, Bulacan – Isang 38-taong-gulang na lalaking guro na dating kalihim ng barangay ang binaril at napatay sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Poblacion, Sta. Maria, Bulacan madaling araw ng Hulyo 30, 2026.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na ang biktima na kinilalang si Stephen Gelo Enriquez, residente ng No. 10, 211st Century St., Ville, Brgy. Poblacion, Sta. Maria, Bulacan, ay nagtamo ng tama ng bala matapos umanong barilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaking suspek na nakasuot ng puting bull cap bandang alas-12:30 ng madaling araw.

Batay sa report ng pulisya, nasa loob ng kanilang tahanan ang kapatid ng biktima na si Jam Enriquez Santo Domingo nang makarinig siya ng putok ng baril na sinundan ng pagsigaw ng biktima para humingi ng tulong.
Paglabas niya, natagpuan niya ang biktima na duguan dahil sa tama ng bala ng baril kaya agad itong dinala sa Bocaue Specialist Hospital para sa agarang lunas.
Namatay ang biktima matapos ang ilang oras ng paggamot.
Hustisya naman ang panawagan ng pamilya ng biktima hinggil sa sinapit na walang habas na pamamaslang.
Nabatid na ang biktima ay dating barangay secretary at kasalukuyang campaign manager ng tumatakbong barangay captain ngayong darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.
Agad na naglunsad ng massive manhunt operation ang Sta. Maria Municipal Police Station (MPS) kasunod ng insidente ng pamamaril.
Kasabay nito, sinimulan ng mga imbestigador ang mga operasyon sa pag-backtrack ng CCTV sa lugar upang matukoy at matunton ang tumakas na suspek.
Nakipag-ugnayan din ang Investigator-on-Case sa Bulacan Tactical Operations Center (TOC) para sa pag-activate ng Bulacan Shield Alpha, na siyang nagpaigting sa mga operasyon ng pulisya upang mapadali ang agarang pagkilala at paghuli sa suspek.
Inatasan ni PLTCOL Mark Louie Sigua, Hepe ng Pulisya ng Sta. Maria MPS, ang lahat ng kinauukulang unit na gawin ang lahat ng makakaya upang matukoy at maaresto ang salarin habang tinitiyak ang isang masusing imbestigasyon.
“Tinitiyak namin sa publiko na ang Sta. Maria MPS ay lubos na nakatuon sa pagbigay ng hustisya. Hinihikayat namin ang sinumang nakasaksi sa insidente o may impormasyon na makakatulong sa imbestigasyon na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya,” sabi ni Sigua.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa likod ng pamamaril at patuloy na inaalam ang lahat ng posibleng lead habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Mga larawan kuha sa FB Page





