Grade 6 anak ng pulis nabaril ang sarili sa loob ng eskuwelahan

Grade 6 anak ng pulis nabaril ang sarili sa loob ng eskuwelahan San Jose Del Monte, Bulacan
ISANG Grade 6 na estudyanteng lalaki ang isinugod ng kaniyang teacher sa pagamutan matapos aksidenteng mabaril ang sarili sa loob ng paaralan Huwebes ng umaga, Enero 26, 2023 sa Barangay Muzon, City of San Jose Del Monte, Bulacan.
 
Base sa panimulang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-5:40 ng umaga sa loob ng comfort room ng Benito Nieto Elementary School sa nasabing lugar.
 
Ayon kay Bulacan Police director Col Relly Arnedo, ang biktima na isang Grade 6 student ay anak ng isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame kung saan napag-alaman na kinuha nito sa cabinet ang service firearm na .9mm pistol ng ama at dinala sa eskuwelahan.
 
Matapos maipasok ang baril sa naturang paaralan ay dumeretso ito sa CR at dito hinihinalang pinaglaruan ang baril na aksdenteng pumutok.
 
Nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa baba nito na tumagos sa bahagi ng kaniyang ilong. Agad siyang isinugod ng mga teacher ng paaralan sa Kairos Hospital malapit sa eskuwelahan subalit inilipat sa Skyline Hospital, CSJDM.
 
Iniutos ni Arnedo sa CSJDM Police ang malalimang imbestigasyon kung mayroong foul play kaugnay ng insidente at kung papaanong naipasok ang baril sa nasabing paaralan. 
 
Featured image CTTO