
Camp General Alejo S Santos, Malolos City, Bulacan β Isang 14-anyos na babae ang nasawi matapos magtamo ng saksak sa leeg sa Brgy. Subic, City of Baliwag, Bulacan, madaling-araw ng Lunes, Hunyo 29, 2026.
Arestado naman ang suspek na si Sandro Dax Saglayan, 37, stepfather ng biktima, residente ng nasabing lugar.
Batay sa ulat na isinumite ni PLTCOL Eisbon Llamasares, Hepe ng Baliwag City Police Station, bandang alas-3:30 ng madaling-araw ay nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa isang ospital hinggil sa isang babaeng menor de edad na dinala roon matapos magtamo ng saksak sa leeg.

Agad na nagtungo ang mga imbestigador sa ospital upang beripikahin ang ulat at napag-alaman na ang biktima ay dinala sa ospital ng mismong suspek kasama ang ina nito.
Sa kabila ng agarang pagsisikap ng mga medical personnel na maisalba ang buhay ng biktima, idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Agad namang naaresto at nasa kustodiya na ng pulisya ang sinasabing suspek na stepfather ng biktima na kasalukuyang kinakasama ng ina ng bata habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Ayon kay Bulacan PNP Provincial Director PCOL Jay Baybayan, ang biktima ay napatay sa pamamagitan ng saksak sa leeg.
βYung victim is a High School student and ang mother nya ay isang high school teacher at ang suspek ay isa ring high school teacher na ex-marine. May intention to rape the victim but unsuccessful,β wika ni Baybayan.
Wala pang malinaw na detalye inilalabas ang Kapulisan kung paano nasaksak ng suspek ang biktima ngunit matapos ang krimen ay agad na nagsagawa ang tauhan ng Baliwag CPS ng ocular inspection sa pinangyarihan ng insidente at humiling ng tulong mula sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa crime scene processing at iba pang forensic examination.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Baliwag City Mayor Sonia Estrella sa pamilya ng biktima.
“Ang insidenteng ito ay hindi lamang isang mabigat na krimen laban sa isang inosenteng bata kundi isang pag-atake rin sa ating mga pinahahalagahang karapatan, dignidad, at kaligtasan ng bawat mamamayan, lalo na ng ating mga kabataan na nararapat na mabuhay nang malaya sa anumang uri ng karahasan at pang-aabuso,” wika ni Estrella.
Samantala, isinailalim na sa kustodiya ng Baliwag City Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda ng kasong isasampa laban sa kanya.
Ayon kay PCOL Baybayan, nananatiling prayoridad ng kapulisan ang masusing imbestigasyon sa mga insidenteng may kinalaman sa karahasan upang matiyak ang agarang pagpapanagot sa sinumang lumalabag sa batas.




