Kasabay ng pagdiriwang ng Pilipinas ng National Peace Consciousness Month ngayong Setyembre, nasa 85 Philippine delegates buhat sa gobyerno, akademya, relihiyon, media, mga grupo ng kababaihan at kabataan ang nakatakdang tumungo sa South Korea upang dumalo sa pagdiriwang ng ika-siyam na anibersaryo ng HWPL (Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light) World Peace Summit.
Sa pagdiriwang na ito ay magbabalik-tanaw sa mga nagawa sa nakalipas na 10 taon at tatalakayin ang tema ng “Pagpapatupad ng mga Multidimensional na Istratehiya para sa Institusyonal na Kapayapaan.”
Kabilang sa mga opisyal ng gobyerno na nagkumpirma ng kanilang pagdalo ay ang National Commission for Culture and the Arts Commissioner for the Sub-commission on Cultural Dissemination Carlo B. Ebeo; National Book Development Board Governor Mary Ann Ordinario; National Book Development Board Project Management Officer Charmaine Concepcion G. Capuchino at Department of the Interior and Local Government (DILG) Administrative Officer V Ms. Michelle J. Negrido.
Kabilang naman sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na makikiisa sa kaganapan ay sina Maguindanao Municipal Vice Mayor Elizabeth Mangudadatu; Kapalong Davao Del Norte Municipal Mayor Maria Theresa Royo-Timbol; Municipality of Kapalong Davao Del Norte Executive Assistant Mary Caress Timbol; National Amnesty Commission (NAC) Commissioner Atty. Nasser Marohomsalic; Buluan, Maguindanao Municipal Vice Mayor Rhamla Kadalim. Kinumpirma rin ni dating Maguindanao Congressman Esmael Mangudadatu ang kanyang pagdalo.
Dadalo rin ang mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na pamumunuan ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, Al Haj.
Kabilang naman sa mga kinatawan ng grupo ng kababaihan ang Zonta Club of Metropolitan Pasig Past President Ruby Bañares-Victorino, at National Federation of Women’s Club Vice President Erlinda Olivia Tiu.
Ang mga relihiyosong grupo tulad ng Katoliko, Methodist, Hinduism, at Islam ay magkakaroon din ng kanilang mga kinatawan sa nasabing kaganapan. Kabilang dito ang Archbishop-Emeritus ng Archdiocese of Cagayan De Oro Antonio Ledesma na naging bahagi na ng gawaning pangkapayapaan ng HWPL mula pa noong 2013.
Ang konsepto ng “Institutional Peace” na iminungkahi ng HWPL, ay nagsusulong ng mga internasyonal na kasunduan na naglalayong magtatag ng napapanatiling kapayapaan base sa mga prinsipyong nakabalangkas sa Declaration of Peace and Cessation of War (DPCW). Ang DPCW ay isang kasangkapan ng napapanatiling kapayapaan mula sa pag-iwas at paglutas ng mga kaguluhan hanggang sa higit pang pagtataguyod ng kultura ng pagkakaunawaan at pagtutulungan ng mga bansa at mamamayan.
Binigyang-diin ni HWPL Chairman Lee Man-hee na ang partisipasyon ng mga tao mula sa buong mundo ay talagang kailangan para makamit ang kapayapaan. “Kami (HWPL) ay umikot sa mundo ng 32 beses upang isagawa ang trabaho ng kapayapaan. Ang pinaka-layunin ay ang pagkamit ng kapayapaan. Sa loob man ng mga pamilya, paaralan, o anumang organisasyon, ang kapayapaan ay isang mahalagang pangangailangan. Wala ni isang tao ang tumanggi sa ideya ng kapayapaan. Kaya naman, lubos akong naniniwala na ang kapayapaan ay makakamit.”