Gob. Fernando hindi sang-ayon sa pagtanggal ng karapatan sa tubig ng Angat Dam

Angat Dam Photo by: ERICK SILVERIO
LUNGSOD NG MALOLOS—Maghahain ng motion for reconsideration sa Supreme Court (SC) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando kaugnay ng inilabas na desisyon kamakailan ng Kataas-taasang Hukuman na nagtanggal sa lalawigan ng mga karapatan nito o share sa nasabing national wealth tax buhat sa tubig ng Angat Dam.
 
Sa panayam kay Gov. Daniel Fernando, matapos matanggap ang kopya ng desisyon ng SC ay agad inatasan nito si Provincial Legal Officer (PLO) Abogado Gerard Nelson Manalo na hilingin sa mataas na hukuman na muling isaalang-alang ang hinahabol na rights o share  na dapat ay matanggap ng provincial government mula sa koleksyong buwis.
 
GOV. DANIEL R. FERNANDO
 
Inilabas ng Supreme Court en banc ang desisyon nito lamang Marso 22, 2024 ngunit noong Oktubre 2023 pa ang petsa ng order na nagpapasiya na ang tubig sa dam ay isang angkop na tubig na inalis na sa mga likas na yaman, at sa gayon, hindi na maaaring sumailalim sa buwis sa pambansang kayamanan.
 
Binanggit din sa desisyon na nagkamali umano ang Court of Appeals na kung saan ay pinagtibay nito noong Mayo 30, 2008 ang local court’s ruling ng Bulacan Regional Trial Court noong Hunyo 3, 2005 na kung saan ay napatunayan dapat managot ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na bayaran ang provincial government of Bulacan ng share sa paggamit at pagpapaunlad ng tubig ng dam na isang national wealth.
 
Iniutos din ng gobernador kay Manalo na banggitin ang mga batas na nagsasaad at nagtatakda para sa mga karapatan ng local government unit sa nasabing national wealth partikular na sa nakolektang buwis nito.
 
Iniakyat ng MWSS sa Kataas-taasang Hukuman ang desisyon ng Court of Appeals at dito ay binaligtad ng Korte Suprema at isinantabi ang 2008 decision na pabor sana sa provincial government ng Bulacan.
 
The moment that water from Angat River is already appropriated and impounded into the Angat Dam, it ceases to form part of natural resources,” ayon sa desisyon ng high tribunal na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting.
 
Hindi naman kumbinsido si Gob. Fernando na ang tubig mula sa Angat Dam ay hindi na maituturing na natural resources, kaya naman inihahanda na ng provincial government ng Bulacan ang paghahain ng apela sa Korte Suprema.
 
Sinabi ng gobernador na aabot sa bilyong halaga ang dapat sana ay ibabalik sa provincial government na mapapakinabangan ng mga Bulakenyo.
 
 
Ang Angat Dam ay matatagpuan sa mga bayan ng Norzagay at Dona Remedios Trinidad (DRT) na bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre.
 
Nag-ugat ang kaso sa reklamo para sa partikular na pagganap/pagbabayad ng national wealth share laban sa MWSS na inihain ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ni noo’y Gov. Josefina Dela Cruz.
 
Nakasaad sa petisyon ni Gob. Dela Cruz na ang MWSS ay kumukuha ng mga nalikom mula sa yamang tubig ng Angat Dam, na nasa loob ng teritoryong nasasakupan nito at dapat bayaran ng MWSS ang lokal na pamahalaan ng share dahil sa paggamit at pagpapaunlad ng pambansang yaman.
 
Katwiran ng MWSS, ito ay isang nonprofit service utility na nilikha upang magbigay ng supply ng tubig at isang wastewater disposal system sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan nito.
 
 
Bilang isang istrakturang gawa ng tao, ang dam, ayon sa MWSS, ay hindi saklaw ng pambansang kayamanan na magbibigay karapatan sa isang lokal na pamahalaan tulad ng Bulacan sa bahagi ng mga nalikom mula sa paggamit at pagpapaunlad nito.
 
Dahil sa nasabing usapin, taong 1992 pa ay humihingi na ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ng bayad mula sa MWSS sa paggamit ng tubig mula sa Angat Dam.
 
Dismayado naman si City of Malolos Mayor Christian Natividad sa nasabing desisyon ng Korte Suprema kung saan sinabi nito na ang lalawigan ng Bulacan ay inilagay sa malaking kawalan kaugnay ng desisyon.
 
Aniya, hindi niya kinukuwestiyon ang karunungan ng mga mahistrado ng mataas na hukuman ngunit ang pagiging isang Bulakenyo, ang naturang desisyon ng mataas na hukuman ay magsisilbing precedent case sa iba pang local government units sa mga isyu at alalahanin tungkol sa paghahabol sa bahagi nito kaugnay sa usaping pambansang kayamanan.
 
“Masama ito. Saan kinukuha ang tubig? Nasa sarili naming probinsya. Ito ay ibang paraan ng pag-iwas sa pagbabayad at pagkolekta ng mga nararapat na buwis sa mga local government units o host localities,” wika ni Natividad.