MANANATILI sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang drug war campaign na sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngunit sa makabagong pag-atake ang gagawin ng pamahalaan sa nasabing kampanya.
Sinabi ni Pangulong Marcos na pagtutuunan ng pansin ng kaniyang administrasyon sa anti-drug campaign ay ang drug abuse prevention and education at pagsasaayos ng mga rehabilitation centers di gaya ng sa nakalipas na administrasyon na naka-pokus sa enforcement side.
Matatandaang, sinabi ni Pangulong Marcos na pinayuhan siya ni Pangulong Duterte na panatilihin ang kampanya sa sarili nitong pamamaraan at i-apply ang ilang pagbabago kung kinakailangan.
“Pero huwag mong iiwanan yan (drug campaign), dahil kawawa ang kabataan natin, masisira ang buhay nila,” ayon kay Marcos kung saan kino-quote ang sinabi ni Duterte.
Bilang pagtugon sa payo ni Duterte, gagawa ng makabagong hakbangin ang kasalukuyang administrasyon hinggil sa mga prayoridad sa anti-drug campaign.
Pabor din si PBBM na gawing drug czar si Duterte subalit hayagan na itong tinanggihan ng huli.
Welcome naman sa international community ang pahayag na ito ni Pangulong Marcos.
Nilinaw ng Pangulo na ang pagbabago sa polisiya ay hindi nangangahulugan ng paglambot ng bansa sa posisyon nito tungo sa International Criminal Court’s (ICC) bid para ilunsad ang anti-narcotics campaign ng pamahalaan.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na papayagan niya ang mga miyembro ng ICC na pumunta sa bansa subalit bilang mga turista at hindi bilang mga imbestigador.
Ang bansa umano ay mayroon nang “functioning judiciary” at may kakayahan na magsagawa ng sariling imbestigasyon, giit ng Pangulo.