Magandang balita na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay nagawaran ng plake ng pagpapahalaga. Mismong si Bulacan Governor Daniel Fernando, ang nag-abot ng plake, na ginanap sa Capitol Gymnasium, nakaraang ilang araw.
Batay sa ulat, ang CIDG na pinangunahan ni P/Major Dan August C. Magsakay, ay nakaaresto ng mga lumabag sa mga Batas Pangkalikasan sa Lalawigan ng Bulacan, sa kanilang isinagawang Anti-illegal Quarrying Operation, sa Brgy Casalat, San Ildefonso, sa naturang lalawigan.
Tsk! Tsk! Tsk! Ang CIDG, ang isa sa katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pagsugpo ng mga ganitong ilegal na aktibidades. Mabuti ang mga ganitong balita, kaysa sa mga napapanood ng madla sa Social Media, na ilang mga Pulis ay nadidiin sa kasong bawal na gamot sa Kongreso sa kasalukuyan, dahil tila kasapakat o waring kasangkot ang ilan sa kanila, kung may katotohanan nga! Na ngayon ay patuloy na inuusisa o tinatanong sa mataas at mababang kapulungan. Itong matitinong pulis ay nadadamay tuloy sa mga pinagagawa ng mga ilegalistang naka-uniporme, kung mayroon man.
Itong ginawa ng CIDG ay magandang halimbawa na maibsan ang kaisipan ng balana, na hindi lahat ng pulis ay masama. Kung may ilang bugok, ay mas marami pa rin ang matitino na hindi nasisilaw sa kinang ng salapi na dulot ng bawal na droga, Kailangang magkaisa na ang mga matitinong Alagad ng Batas laban sa mga ‘scalawags.’
Dapat rin na mag-‘concentrate’ ang ating mga awtoridad laban sa kriminalidad, tulad ng pagtugis sa mga ilegalista, sa patuloy na paglalagay ng mga ‘Check point’ at ‘implement’ ang paghuli sa mga lumalabag sa batas. Bawasan na ang tulad ng pagsali sa mga paligsahan, medical mission, tree planting at iba pang gawaing walang kinalaman sa pagsugpo ng krimen.
Kailangan din na magkaroon ng ‘overhauling’ sa hanay ng ating mga Alagad ng Batas. Kapag ang isang Hepe ng Pulisya ay naalis sa puwesto sa isang bayan, dahil sa naitalagang panahon o termino ng kanyang tungkulin, nararapat lamang na alisin na rin ang lahat ng kanyang nasasakupan, at palitan na ng mga bago. Iyan ay upang ang anumang sistema ay mahalinhan at mabago. Kapag walang pagbabago, andyan pa rin ang latak ng kalakaran.
Tandaan na ang tunay na pulis ay silang sumasapuso at sumasaisip sa kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan, at sila ang mga nagpapahalaga sa kanilang suot na uniporme, may dangal. Maligayang bati sa pamunuan ng CIDG, ganoon na rin sa patuloy na suporta ni Governor Daniel Fernando, sa Anti-illegal Quarrying Operation sa kanyang lalawigan. Hanggang sa muli!