ISINULONG ni Sen. Joel Villanueva na protektahan ang karapatan at kapakanan ang 1.5 million freelancer o gig economy workers sa Pilipinas, na inaasahang dadami pa habang bumabangon ang bansa mula sa pandemya.
Binanggit ng senador na pang-anim ang Pilipinas sa fastest growing markets sa buong mundo para sa gig economy ayon sa 2018 Gig Economy index, at tinatayang freelancers na ang karamihan ng mga manggagawa sa mundo sa 2027.
“Habang tumataas po ang bilang ng freelance workers, kailangan silang maprotektahan ang bagong klase ng mga manggagawang ito pamamagitan ng mga bagong batas. Mas madali po silang maabuso at mapagsamantalahan dahil sa iba po ang sitwasyon ng kanilang pagtatrabaho,” aniya.
“Nakarinig na po tayo ng mga kwento ng freelance workers at independent contractors na inabuso o pinagsamantalahan sa mga proyekto, tapos mababa ang bayad nila, delayed ng isang taon, o hindi man lamang nabayaran. Freelancing isn’t for free,” dagdag ng senador.
Ayon sa panukala ni Villanueva na Senate Bill No. 136, or Freelancers Protection Act, ang freelancer ay isang manggagawa na “offers or renders a task, work or service through his or her freely chosen means or methods, free from any forms of economic dependence, control or supervision by the client, regardless of whether he or she is paid by results, piece, task, hour, day, job or by the nature of the services required”.
Sinabi rin ng senador na may mga puwang ang labor laws ng bansa na dapat tugunan para bigyang-daan ang pagdami ng gig workers lalo na noong pandemya. Kasama dito ang mga home-based creative workers, on-demand professional services, on-demand courier services, at iba pang uri ng freelance goods and services.
“The rise of Filipino freelance workers signals that the Fourth Industrial Revolution is indeed upon us, something that the pandemic cannot stop. In fact, the gig economy grew stronger through the pandemic, and is here to stay,” sabi ni Villanueva.
Inilalahad ng S.B. No. 136 ang mga karapatan ng freelancers gaya ng right to just compensation, right to safe and healthy working conditions, at ang right to self-organize and collectively bargain.
Sa isang mensahe sa paglunsad ng Daan ng Natigil outreach program ng Grab Philippines sa Marikina City ngayong araw (Agosto 11), sinabi ni Villanueva sa mga dumalong Grab riders at mga out-of-school youth na sinisiguro ng kanyang panukala ang karapatan ng freelancers sa edukasyon at skills training. Ito ay sa pamamagitan ng mga programang upskilling certification and entrepreneurial enhancement ng Technical Education and Skills Development Authority, kasama ng iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry, at Department of Information and Communications Technology.
Mandato rin ng panukalang batas na magkaroon ang freelancer at kliyente nito ng kasulatang naglalaman ng lahat ng serbisyong ibibigay ng freelancer, kaukulang bayad, gayundin ang iba pang terms and conditions ng kasunduan.
Nais ni Villanueva na maisabatas ang panukalang ito na ni-refile niya mula noong 18th Congress, kung saan umabot na ito sa plenaryo ng Senado.