LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang hakbang upang itaas sa pamahalaang nasyunal ang mga suliranin sa pagbaha sa lalawigan, umapela si Gob. Daniel R. Fernando ng agarang suporta mula sa Kongreso sa isang pagpupulong kasama ang technical working group ng Committee of Public Works and Highways noong nakaraang Lunes sa Speaker Villar Hall, South Wing Annex House of Representatives.
Idinaos ang pagpupulong upang pagtibayin ang mga panukalang batas na siyang susuporta sa apela ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang magkaroon ng permanenteng solusyon sa deka-dekada ng problema sa pagbaha kabilang na ang House Bill No. 492 ni Rep. Stella Luz A. Quimbo; House Bill No. 3148 ni Rep. Ambrosio “Boy” C. Cruz, Jr.; House Bill No. 6559 na akda ni Rep. Florida “Rida” P. Robes; at House Resolution No. 614 nina Kinatawan Danny A. Domingo, Augustina Dominique C. Pancho at Lorna C. Silverio.
Sa pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan na matugunan ang mga suliraning ito, minandato rin Fernando ang pagbuo ng technical working group sa pamamagitan ng Provincial Development Council na siyang bubuo ng master plan para sa flood control projects sa lalawigan lalo na at wala pang nakahandang plano sa kasalukuyan ang Department of Public Works and Highways.
Dagdag pa rito, sinimulan na rin ng Provincial Engineer’s Office sa direktiba ni Fernando ang paggawa ng flood control plan at sa kasalukuyan, nakumpleto na ng PEO ang plano para sa Lungsod ng Malolos at mga Bayan ng Calumpit at Hagonoy.
Samantala, mayroong umiiral na Sustainable Flood Management Plan for Metro Manila and Surrounding Areas ang DPWH na nakasasakop sa Lungsod ng Meycauayan.
Dahil sa kaso ng urban flooding sa lalawigan, ipinangako naman ni Fernando ang kumprehensibong solusyon upang mabawasan ang pagbaha at wakasan ang pinsala nito sa Bulacan.
“Hindi po tayo titigil hanggang hindi natitiyak ang mga maliwanag at kongkretong hakbang upang mabilisan at permanenteng masolusyunan ang problemang ito. Gusto kong makatiyak na ang lalawigan Bulacan sa ating panahon ay makalaya na sa suliraning ito at ang ating mga gawain ay nakatutugon sa mahigpit na pamantayan ng kaligtasan,” anang gobernador.
Pinangangasiwaan din ni Fernando ang rehabilitasyon ng Bustos Dam upang matiyak na ang mga rubber gate nito ay inaayos ng mga contractor.
Bukod pa rito, patuloy rin ang dredging operations sa pakikipagtulungan ng DPWH, Department of Environment and Natural Resources and Mines and Geosciences Bureau upang mabawasan ang pagbaha sa lalawigan.