NAIS ni Bulacan Governor Daniel Fernando na mapalitan ng dekalidad na materyales ang lahat ng aniya’s depektibong rubber gates ng Bustos Dam.
Ito ang giit ng gobernador sa kanilang pagpupulong kasama ang National Irrigation Administration (NIA) kamakailan na siyang may direktang ugnayan sa kontratista ng Bustos Dam rehabilitation.
“Dapat lamang palitan ang lahat ng rubber gate sapagkat hindi nasunod ang specification ayon sa nagpakasunduang materyales tulad ng nakasaad sa kontrata ng NIA. Bakit naman po mababang kalidad ng mga materyales ang ginamit sa rehabilitasyon ng Bustos Dam sa kabila ng malaking pondong inilaan dito?” ani Fernando.
Naabtid na lumabas sa isinagawang pagsusuri ng Australian company sa naturang nasirang rubber gate ay depektibo o substandard ang ginamit na materyales.
Tinagurian ni Fernando na “an accident waiting to happen” ang kalagayan ng Bustos Dam kung saan pinangangambahang maraming buhay ang magbubuwis at bilyong halaga ng ari-arian ang mapipinsala sakaling bumigay ang dam.
Inihalintulad ng gobernador ang nangyari sa namatay na limang Bulacan Rescue personnel sa San Miguel na kung saan ay ang nagibang pader ang naging dahilan ng pagkalunod ng mga biktima nang tangayin ng malakas na volume ng tubig.
“Hindi po ako titigil hangga’t hindi natitiyak ang mga maliwanag at konkretong hakbang upang mabilisan at permanenteng masolusyunan ang problema na ito. Gusto kong makatiyak na ang Bustos Dam, at ang lahat na ating dam sa lalawigan ay nakatutugon sa mahigpit na pamantayan ng kaligtasan,” sabi ng gobernador.
Magugunita na noong May 2020, dalawang taon matapos sumailalim sa major rehabilitation ay bumigay at nasira ang Rubber Gate Bay 5 ngunit base sa warranty o guaranteed life span nito dapat ay tatagal dapat hanggang 20 taon.
Ang dahilan ng pagkasira ay ang umanoy inferior quality ng materyales na ginamit ng kontraktor ng NIA.
Agad na ipinatawag ni Fernando ang mga taga-NIA at contractor na si Isidro Pajarillaga ng ITP Construction Inc.-Guangxi Hydro Electric Construction Bureau Co. LTD. (GHCB) Consortium para resolbahin ang usapin na maglalagay sa kapahamakan sa libu-libong mga buhay ng mga Bulakenyo.
Nabatid na ang isang rubber gates ay kayang maglabas ng 500 cubic meters per second (cms) ng tubig na magdudulot ng pagbaha sa mga bayan ng Hagonoy at Calumpit at kung ang anim na rubber gates naman ang mag-collapse ay nasa 3,000 cms ng tubig ang ilalabas nito na magpapalubog sa 16 na bayan sa probinsiya.
“Immediate replacement is needed here,” wika ni Fernando
Ang nasabing Bustos Dam rehabilitation project ay nai-bid noong 2016 na nagkakahalaga ng P1 Billion sa panahon ni dating gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado.